top of page
Search
BULGAR

Kagamitan para sa distance learning, iprayoridad sa P4-B pondo sa Bayanihan 2

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 29, 2020



Iminumungkahi natin na gamitin na ng Department of Education o DepEd ang P4 bilyong pondo na nasa Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2 para sa teknolohiyang kailangan para sa distance learning at maaaring magamit kahit matapos na ang pandemya.


Sa pagdinig sa Senado, ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla na hinihintay pa ng DepEd ang pormal na komunikasyon mula sa Department of Budget and Management o DBM upang linawin ang kahandaan ng pondo para sa distance learning. Aniya, kailangan ding magpasya ang kagawaran kung alin ba ang bibigyan ng prayoridad sa paggamit ng pondo.


Sa ilalim ng naturang batas, ang pondong ito ay inilaan para sa imprastruktura ng Information and Communications Technology o ICT, pagpapatupad ng digital education, at iba’t ibang alternative learning modalities para sa distance learning. Kabilang dito ang pag-imprenta at pagpapamahagi ng self-learning modules.


Bukod dito, kasama sa probisyon ng Bayanihan 2 ang pagkakaroon ng loan assistance, ayuda at mga diskuwento para sa pagbili ng kagamitan para sa distance learning tulad ng mga computer o laptop at tablet upang patuloy na masuportahan ang pagpapatupad ng Basic Education Learning Continuity Plan o BE-LCP.


Pinahihintulutan din ng Bayanihan 2 ang paggamit ng Special Education Fund o SEF ng mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng distance learning. Maaari ring gamitin ang SEF para sa paglalagay ng mga handwashing stations at mga kagamitan para sa ligtas na pagbabalik-eskuwela. Kabilang dito ang mga sabon, sanitizer, alcohol at iba pang public health supplies tulad ng mga thermometer, face masks, face shields at disinfectant.


Naniniwala ang inyong lingkod na ang modernisasyon sa ating sistema ng edukasyon, tulad ng mas malawak na paggamit ng teknolohiya para sa pag-aaral at pagtuturo ay bahagi ng pagbangon ng ating mga paaralan mula sa pinsalang dulot ng COVID-19. Sa tulong ng Bayanihan 2, mapaiigting natin ang modernisasyon ng ating mga paaralan, maaabot natin ang mas maraming mag-aaral at higit sa lahat ay maipagpapatuloy natin ang edukasyon sa ligtas na pamamaraan.


Nais nating muling ipaalala na sa kabila ng hirap sa kasalukuyang krisis, kailangan nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang maipaabot ang tuluy-tuloy at dekalidad na edukasyon para sa mga kabataang mag-aaral.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page