ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Pebrero 2, 2024
May ilang mga daing na sa piitan kumakawala at nagnanais na lubos na mapalaya. Kaugnay dito ang tampok sa ating artikulo ngayon na hawak ng aming Tanggapan, ito ay ang People of the Philippines vs. Anisah Sambolayang y Pacalna, Aisah Panontongan y Masandag, Akisah Topaan y Bayantol and Monacaya Ambor y Angonot (CA-G.R. CR-HC No. 15247, October 18, 2023, Ponente:
Honorable Court of Appeals Associate Justice Victoria Isabel A. Paredes [12th Division]). Tunghayan natin ang kuwento tungkol sa pagdaing ng kalayaan na maling naakusahan, at alamin natin kung natugunan nga ba ang kanilang daing.
Inakusahan sina Anisah, Aisah, Akisah at Monacaya na nagsabwatan umano sa pagbebenta ng kabuuang 541.31 gramo ng ipinagbabawal na gamot na methamphetamine hydrochloride o shabu, dahilan upang sila ay masampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act (R.A.) No. 9165.
Batay sa sumbong ng isang impormante, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang kainan sa Quiapo, Manila.
Si Agent Geona ang tumayo bilang poseur buyer. Sa napagkasunduang lugar, si Anisah ang humarap sa impormante at kay Agent Geona. Inutusan diumano nito sina Agent Geona na sundan ang tatlong kasamahan nito na kalaunan ay kinilalang sina Aisah, Akisah at Monacaya. Sila ay nagtungo sa palikuran sa ikalawang palapag ng nasabing kainan. Palihim namang sumunod ang dalawang miyembro ng PDEA na sina Agents Cacafranca at Tugunen sa ikalawang palapag.
Noong nasa palikuran na, hinihingi diumano nina Aisah at Akisah kay Agent Geona ang bayad para sa shabu. Ngunit, ipinakita lamang ni Agent Geona ang pera at hindi niya umano ito ibibigay hangga’t hindi inaabot sa kanya ang ipinagbabawal na gamot. Sa puntong ito ay pumasok diumano si Monacaya sa palikuran at ipinakita kay Agent Geona ang kanyang bag na may limang pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu. Dahil dito, iniabot na umano ni Agent Geona ang bayad kina Aisah at Akisah.
Habang palabas na si Agent Geona, sumenyas siya sa kasamahan niyang sina Agents Cacafranca at Tugunen, na siyang naging hudyat para ang mga ito ay pumasok na sa palikuran. Sa puntong ito na diumano nagpakilala ang dalawa na mga miyembro ng PDEA at inaresto sina Aisah, Akisah at Monacaya. Si Agent Guerrero naman diumano ang umaresto kay Anisah at dinala ito sa ikalawang palapag ng nasabing kainan. Sa kanilang pangangalap, nakuha umano ni Agent Geona kay Aisah ang buy-bust money, at limang pakete ng shabu.
Sa mismong lugar diumano kung saan inaresto sina Anisah ay minarkahan ni Agent Geona ang mga nakuhang ebidensya at kinumpiska ang mga ito. Ngunit sa utos umano ni Agent Cuayzon, at para umano sa kanilang seguridad, ay umalis sila sa naturang lugar at itinuloy ang pag-iimbentaryo sa Barbosa Police Precinct.
Sa presinto na nasaksihan ng kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), media at barangay kagawad ang pag-iimbentaryo. Matapos ito ay ipinadala ang mga nakalap na ebidensya para sa kaukulang pagsusuri, na kalaunan ay nagpositibong shabu.
Sa parte naman ng mga inakusahan, mariin nilang itinanggi ang mga bintang laban sa kanila at iginiit na sila ay “palit-ulo” lamang – isang sistema umano na kung saan ang isang naaresto at nasa kustodiya na ng pulis ay palalayain kapalit ng ibang tao na ituturo o isasangkalan nito.
Matapos ang pagdinig, nagbaba ng hatol na conviction ang Regional Trial Court (RTC), na agad namang inapela ng apat sa Court of Appeals (CA).
Sa pag-aaral ng naturang apela, nakita ng appellate court ang naging pagkukulang ng prosekusyon sa pagpapatunay ng mga umarestong opisyal na unbroken chain of custody. Sa mga kaso umano na mayroong kaugnayan sa paglabag sa batas ukol sa ipinagbabawal na gamot, napakahalaga na siguruhin ang integridad ng mga nakalap na ebidensya mula sa mga naaresto sapagkat ito ang nagsisilbing corpus delicti ng krimen.
Ipinaalala ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Victoria Isabel A. Paredes ang sumusunod:
“The prosecution has the burden to establish that the substance illegally sold by the accused is the same substance presented in court. Any unnecessary doubt regarding the identity of the evidence is removed through observance of the chain of custody rule. The chain of custody rule, embodied in Section 21, Article II of RA 9165, as amended by RA 10640 requires the prosecution to establish the following links in the chain of custody: first, the seizure and marking, if practicable, of the illegal drugs recovered from the accused by the apprehending officer; second, the turnover of the illegal drugs seized by the apprehending officer to the investigating officer; third, the turnover by the investigating officer of the illegal drugs to the forensic chemist for laboratory examination; and fourth, the turnover and submission of the marked illegal drugs seized from the forensic chemist to the court.”
Ayon sa CA, kaduda-duda na napanatili ang integridad ng mga ebidensya na nakalap ng mga umarestong pulis. Binigyang-diin ng CA ang alituntuning nakasaad sa Section 21, Article II ng R.A. No. 9165, as amended by R.A. No. 10640, na ang pisikal na imbentaryo at pagkuha ng larawan ng mga nakalap na ebidensya ay dapat na maganap matapos ang pangungumpiska. Kinakailangan din itong masaksihan ng kinatawan mula sa National Prosecution Service o media at isang nahalal na pampublikong opisyal.
Sa kaso nila Anisah, wala umanong pangunahing saksi nang markahan at kumpiskahin ang mga ebidensya sa lugar kung saan sila’y inaresto. Nang lumipat na lamang diumano sila sa presinto, doon dumalo ang kinatawan mula sa DOJ, media at isang barangay kagawad.
Hindi rin nakapagbigay ng makatwirang dahilan ang mga umaresto sa paglipat ng lugar.
Bagaman binanggit ni Agent Geona sa kanyang sinumpaang salaysay na ang paglipat ng pag-iimbentaryo ay bunsod ng kanilang seguridad. Hindi naman sumapat para sa hukuman ang payak na pagdadahilan. Napuna rin ng CA, sa tala sa kaso na ipinasa umano sa hindi nakilalang custodian ang nakalap na ebidensya at ang partisipasyon ng taong ito sa chain of custody ay hindi naipatala o naipaliwanag.
Ang mga pagkukulang na nabanggit ay kasama sa panig ng tagausig. Nagdulot ang mga ito ng agam-agam sa appellate court kaugnay sa pagpepreserba ng integridad ng ebidensya na ginamit laban sa mga akusado. Dahil dito, binaliktad ng CA ang naunang desisyon ng RTC at iginawad ang pagpapawalang-sala sa mga apilante.
Bagaman layunin ng hukuman na patawan ng parusa ang sinumang lumabag sa batas, hindi nito pinahihintulutan na mawalan ng kabuluhan ang mandato ng ating Saligang Batas na protektahan ang karapatan ng bawat akusado sa presumption of innocence kung walang sapat na ebidensya na magpapatunay sa kanilang pagkakasala.
Ang kulungan ay maihahalintulad na rin sa libingan para sa mga taong naakusahan.
Magdudulot din ito ng ibayong paghihirap sa kalooban ng pamilya ng mga maling naakusahan at maaaring maging mitsa ng kanilang pagkakawatak-watak. Kung kaya’y malaki ang kanilang pasasalamat sa hukuman sa pananatili ng hustisya at katarungan.
Comments