ni Gina Pleñago @News | September 9, 2023
Inilunsad kahapon ng Bureau of Corrections (BuCor) sa koordinasyon ng Department of Agriculture (DA) ang Kadiwa pop-up store sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) reservations sa Muntinlupa City.
Inihayag ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang, Jr. na araw-araw nang mabibili sa Kadiwa ang mga sariwang gulay, prutas, itlog, asukal, isda, bigas at iba pang produkto.
“Kanina po nag-launch na kami. Ang layunin nito ‘yung mga taga-BuCor, PDL man o mga ordinaryong empleyado ng BuCor, puwedeng bumili ng murang pagkain o prutas o gulay,” ani Catapang.
Aniya, target na ring gamitin ang NBP reservations bilang “Pambansang Bagsakan ng Bigas para sa Mamamayan o PBBM”.
Ang lokasyon ng NBP ay maganda at mas madali para sa food terminal at government center sa katimugang Metro Manila dahil konektado na ang North Luzon Expressway sa South Luzon Expressway.
Idinagdag pa ng pinuno ng BuCor na gumagastos ang gobyerno ng P120,000 bawat PDL kada taon kaya marapat na ibalik ito ng PDL sa komunidad sa pamamagitan ng pagsasaka.
Comments