top of page

Kabutihan, katotohanan, katarungan at kapayapaan, manaig sana sa halalan

  • BULGAR
  • Apr 23, 2022
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 23, 2022


Nang magsimula ang Kuwaresma, nagsimula kaming magtungo sa Comelec tuwing Miyerkules. Mahigit isang buwan na kaming tumatayo sa harap ng Comelec kasama ang Kariton ni Maria, Kariton ng Mahirap, na may malaking tarpaulin kung saan mababasa ang liham ni Jaime Cardinal Sin sa Mahal na Birhen ng Fatima.


Patuloy din kaming nagdarasal kay Inang Maria na patuloy Niyang tulungan ang mga mamamayang Pilipino na maliwanagan upang sama-samang kumilos ayon sa kalooban ng Diyos laban sa anumang mali at masama.


Iba-iba ang mensahe namin sa Comelec tuwing Miyerkules. Subalit, magkakaugnay ang lahat ng mga mensaheng pinaabot namin sa mga commissioners at kawani ng Comelec.

Sa nagdaang Miyerkules, ika-20 ng Abril, ito ang aming naging mensahe: COMELEC, SI KRISTO AY NABUHAY, KATOTOHANAN BANTAYAN, ‘WAG PATAYIN.


Mababasa ang mensaheng ito sa tarpaulin na merong imahe ng maningning na krus ni Kristo. Hindi na nakakatakot ang krus. Ito ngayon ay simbolo na ng kaligtasan, ng pagsunod ni Kristo sa kalooban ng Kanyang Ama; ng pagtitiis upang hindi mawalan ng pag-asa at mawalan na rin ng ganang hanapin at paglingkuran ang Diyos.


Bagama’t tapos na ang Kuwaresma at ang mga Mahal na Araw, hindi pa rin nawawala ang hiwaga ng misteryo paskuwal, na si Kristo ay pinahirapan, pinako sa krus, namatay at muling nabuhay. Inusig, pinagtulungan, hinusgahan, hinatulan, pinahirapan, pinatay ngunit hindi sumuko hanggang hulihan. Siya’y nanatiling malakas, matatag at tapat sa kalooban ng Kanyang Ama sa kabila ng matinding pagtalikod ng mga dating humahanga at sumusuporta at pagtataksil ng kanyang malapit na mga alagad.


Ito rin ang dahilan ng aming pagsisikap, tiyaga at pagtitiis ng anumang hirap, batikos at hamon dahil sa aming ginagawa at ipinapahayag. Tiyak na hindi natutuwa ang Comelec sa aming regular na pagtayo at pagpapaalala sa harapan ng kanilang dambuhalang gusali. Bagama’t wala silang maririnig na ‘di kanais-nais na mga salita, lagi nilang maririnig ang matitinding paalala na maging tapat sa kanilang tungkulin at sumunod sa kalooban ng Diyos, ng Saligang Batas, ng taumbayan at hindi sa mga taong kanilang kinauutangan ng loob.


Kaya’t muling nakita noong nakaraang Miyerkules ang mga kaibigang maralitang taga-lungsod at ang anim na madre ng SFIC o ng St. Joseph College sa E-Rodriguez.


Maliban sa tarpaulin na merong larawan ng nagliliwanag na krus at ng mensahe para sa Miyerkules na ‘yun, hinawakan ng anim na madre ang mga kandilang may ribbon na naglalaman ng mga pangalan ng pitong Comelec commissioners. Bago nagsimula ang misa, humingi ng maikling panayam ang mga kawani ng media na naroroon. Nakapagbigay ako at ang isang madre ng munting panayam. Aming binigyang-diin ang hamon ng ebanghelyo na ipahayag ang Mabuting Balita ng Katotohanan, Katarungan at Kapayapaan ni Kristo noong Miyerkules pagkaraan ng Linggo ng Pagkabuhay.


Maalala ng marami ang katatapos pa lang na presscon ng limang kandidato sa Manila Peninsula Hotel noong nakaraang Linggo ng Pagkabuhay. Hitik na hitik ng pagbabatikos kay VP Leni Robredo ng ilang mga kandidato na tinawag siyang bully, sinungaling, hindi mapagkakatiwalaan, atbp. Naglabas din sila ng kagulat-gulat na paliwanag kung bakit number 2 lang si VP Leni dahil hindi siya gusto ng marami. Kaya’t mas magandang umatras na lang siya upang makilala naman ang ibang kandidato na mas magaling kaysa kanya. Ginamit din nila ang mga salitang “supreme sacrifice” o ang sukdulang sakripisyo na kailangang gawin ni VP Leni alang-alang sa taumbayan, na umatras na siya at ipaubaya na lang niya ang pagtakbo sa pagka-presidente sa mga kandidatong naroroon sa Manila Pen.


Makikita at mababasa sa mga mukha ng mga nagsasalita ang mga katanungang humihingi ng kasagutan. Isang tanong, sino ba talaga ang nag-organisa ng presscon na iyon? Kung si Bert Gonzalez ang tumawag sa mga kandidato, sino ang nag-udyok sa kanyang tawagin ang mga kandidatong naroroon? Isa pang mahalagang tanong, at dito gamitin natin ang sinabi ni Senador Ping Lacson, na mahalaga ang intensyon. Sino ba ang makikinabang kung mapaatras ni VP Leni ang sinuman sa mga kandidatong naroroon?


Ganyan kadumi, kababaw, nakakawala ng tiwala’t respeto ang mababaw at mapanirang pulitika. Malinaw na hindi ito pulitikang nagmumula sa liwanag at bagong buhay na dulot ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Harinawa’y lukuban ang buong Comelec sa buong Pilipinas ng liwanag at kapangyarihan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo para manaig ang kabutihan, katotohanan, katarungan at kapayapaan sa darating na halalan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page