ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | August 17, 2024
Dear Maestro,
Paano ba malalaman kung mahal ka talaga ng isang pamilyadong tao? Puwede bang mangyari na ako ang piliin niya kaysa sa kanyang legal wife? ‘Yun kasi ang sabi at pangako niya sa akin, kumukuha lang daw siya ng tiyempo at iiwanan niya na ang kanyang asawa para kami na ang magsama habambuhay.
Compatible ba kami at kami na ang magsasama habambuhay? October 1, 1998 ang birthday ko at January 12, 1978 naman ang birthday niya.
Umaasa,
Samantha ng Sapa, Samal, Bataan
Dear Samantha,
Alam mo, mukhang malabo ang pangako ng boyfriend mong may asawa at pamilya na dahil kahit saang anggulo mo tingnan, sakali mang manaig ang relasyon n’yo, hangga’t hindi niya hinihiwalayan nang legal ang kanyang misis, ang inyong relasyon ay mananatiling immoral. Kaya para makaiwas ka sa kasalukuyan mong sitwasyon, mas mainam kung ‘wag ka nang makipagkita sa kanya kahit pa sabihing mahal n’yo ang isa’t isa.
Sapagkat sa pag-aanalisang Astro-Numerology, sadyang hindi naman compatible ang zodiac sign mong Libra na pinangingibabawan ng elementong air o hangin sa zodiac sign niyang Capricorn na may elementong earth o lupa, ganundin ang birth date mong 1 at 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3) naman ang boyfriend mo ay hindi rin compatible sa isa’t isa.
Sa tanong mo namang puwede ka bang piliin ng isang taong may pamilya na, ang sagot ay hindi dahil kung magagawa niya ‘yun, dapat ay ngayon na.
Dahil hindi niya kayang iwanan ang kanyang pamilya, the best way ay gagawa siya ng pangako at dahilan, at ang pinakamagandang rason para hindi muna mangyari ang “pangako” ay sasabihin niya sa iyong maghintay ka muna dahil humahanap lang siya ng tamang pagkakataon.
Pero pustahan tayo, ang “tamang pagkakataon” na hinahanap niya ay hindi na darating pa kahit kailan hanggang sa malibang ka nang malibang at mawili ka sa pakikisama at pakikisalamuha sa isang lalaking may asawa at pamilya na.
Tulad ng nasabi na, Samantha, lilipas ang maraming taon, habang tuluy-tuloy ka niyang napagpapasasaan, hindi darating ang hinihintay mong pagkakataon na mas pipiliin ka niya kaysa sa kanyang pamilya, hanggang sa matagpuan mo na lang ang iyong sarili na losyang at habambuhay na naging kerida. Ang masaklap pa nito, baka mabuntis ka niya, at sa bandang huli ay maging single mom ka pa.
Kaya kung hindi ka naman oks na maging habambuhay na kabit, ano pang hinihintay mo? Habang bata ka pa, maganda at may hitsura, mas makakabuting humanap ka ng isang binata na pakakasalan at habambuhay kang mamahalin.
Sa ganyang paraan, hindi lang sariling landas mo ang iyong itinutuwid, bagkus, tinutulungan mo rin ang iyong karelasyon na magbagong buhay, na maging mabuting magulang sa kanyang mga anak, at responsableng ama ng tahanan.
Kapag umiwas ka sa ka-immoralan, kasabay nito ay ginagabayan mo ang iyong kapwa na gumawa ng kabutihan, mahalin at maging tapat sa kanyang pamilya, darating ang panahong gagantimpalaan at pagpapalain ka ni Lord.
Sa aspetong pag-ibig at pakikipagrelasyon, bibiyayaan ka ng isang maunlad at maligayang pag-aasawa, hatid ng lalaking isinilang sa buwan ng Pebrero na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2025 sa edad mong 27 pataas.
Comentarios