ni Lolet Abania | December 7, 2021
Walong biyahero na nagmula sa South Africa, kung saan hindi pa rin natatagpuan ng mga awtoridad ang lokasyon ng mga ito, ang nagbigay ng mali o hindi kumpletong impormasyon, ayon sa Department of Health (DOH).
“Ang naging challenge natin dito, mali-mali po ‘yung detalye sa kanilang personal information sheet,” sabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang radio interview ngayong Martes.
Una nang sinabi ni Vergeire na ang walo ay bahagi ng 253 travelers na nanggaling sa South Africa na dumating sa Pilipinas mula Nobyembre 15 hanggang 29.
Ayon sa kalihim, may mga isyu sa numero na ibinigay ng ilang missing travelers habang ang iba naman ay hindi sinasagot ang mga tawag sa telepono.
“Meron po sa kanila na instead of the personal number na inilagay nila sa kanilang dokumento, ang numero ng ahensya na hindi pa namin na-contact,” paliwanag ni Vergeire.
“Merong isa, kulang ng isang number sa numero na ibinigay, dalawa naman po tama ang numero, ngunit hindi ma-contact, not answering,” dagdag pa ng opisyal.
Ang isa pang traveler ay hindi naman nagbigay ng kumpletong address. Sinabi naman ni Vergeire na nakikipag-ugnayan na sila sa mga local government units (LGUs) at sa Bureau of Quarantine hinggil dito.
Comments