ni Jasmin Joy Evangelista | January 10, 2022
Patay ang 19 na tao, kabilang ang siyam na bata, at dose-dosena ang nasugatan nang sumiklab ang sunog sa isang 19-floor building sa The Bronx borough ng New York City noong Linggo, ayon sa opisyal ng lungsod.
Ayon kay New York City Mayor Eric Adams, 19 katao ang nasawi sa sumiklab na sunog bandang 11 a.m. sa isang brown-brick building na mayroong murang housing units.
Nito ring Linggo ay sinabi ng mga opisyal na 32 katao ang dinala sa ospital na nagtamo ng malalang injuries habang mayroon pang 60 katao na nasugatan din sa insidente.
"It's a tragedy beyond measure," pahayag ni Adams sa Twitter. "Join me in praying for those we lost, especially the 9 innocent young lives that were cut short."
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog ngunit posible umanong umani ng espekulasyon ang safety standards ng nasabing low-income city housing.
Ito na ang ikalawang matinding sunog sa residential complex sa US nitong linggo matapos na masawi ang 12 katao kabilang ang 8 bata sa sumiklab na sunog noong Miyerkules sa isang public housing apartment building sa Philadelphia.
Comentarios