ni Lolet Abania | October 7, 2021
Nagpaalam na ang Kapamilya news anchor na si ‘Kabayan’ Noli de Castro ngayong Huwebes sa TeleRadyo kasabay ng kanyang pinag-iisipang political comeback sa 2022 elections.
“Sorry to say na ito ho ang huling araw ko na dito sa TeleRadyo for so many years,” ani De Castro sa kanyang morning program na “Kabayan”.
Si De Castro na nagsilbi bilang bise presidente noong 2004 ay nagbabalik sa pulitika matapos ang 11-taon niyang pamamahinga.
Nakatakda siyang tumakbo bilang senador sa ilalim ng Aksyon Demokratiko party ni Mayor Franciso “Isko Moreno” Domagoso na susubok naman sa pagka-pangulo sa eleksyon sa susunod na taon.
Ito ang ikalawang pagkakataon ni De Castro na tumakbong senador.
Nanguna siya noon sa 2001 senatorial election, kung saan umabot sa mahigit 16 million votes ang kanyang nakuha, subalit hindi niya nagawang tapusin ang anim na taong termino matapos magwagi sa vice presidency pagkaraan ng tatlong taon.
“Ako po’y makikipagsapalaran sa bagong uri ng panunungkulan o public service pero tuloy-tuloy ho ang ating public service,” sabi ni Kabayan.
“Medyo itong pagkakataon na ito, mas magiging malawak na po ang isasagawa kong public service kung susuwertehin sa tulong na rin po ninyo.”
Bilang senador, si De Castro ay nakapag-author ng 252 bills at resolutions, kabilang dito ang Expanded Senior Citizens Act of 2002, Balikbayan Law of 2002, Quarantine Act and Newborn Screening Test Act of 2001.
Hindi niya tinapos ang 6-year term sa upper House nang manalong bise presidente noong 2004 na running-mate noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nakilala siya sa tawag na “Kabayan,” kung saan nagbalik sa broadcasting noong 2010 nang magtapos ang kanyang termino.
Si Kabayan ay isinilang sa Pola, Oriental Mindoro. Isa siyang degree holder sa banking and finance mula sa University of the East (UE).
Comments