by Info @Editorial | Mar. 6, 2025

Ang kabataan ang pinakamalaking sektor ng ating populasyon, ngunit madalas silang hindi nabibigyan ng sapat na atensyon pagdating sa mga mahahalagang isyu sa lipunan, tulad ng halalan.
Marami sa kanila ang hindi aktibong nakikilahok sa proseso ng pagboto, at may mga kabataang nag-iisip na hindi nila kayang baguhin ang takbo ng mga bagay sa pamamagitan ng kanilang boto.
Ang totoo, ang kabataan ay may napakalaking papel na ginagampanan sa hinaharap ng ating bansa, at ang kanilang aktibong paglahok sa eleksyon ay isang hakbang patungo sa mas maliwanag at mas progresibong bansa.Ang kabataan ay may malakas na boses na maaaring magdala ng mga pagbabago sa ating bansa.
Ang aktibong paglahok sa halalan ay hindi lamang tungkol sa pagboto. Ito rin ay isang pagkakataon upang mas mapalawak ang kaalaman at kamalayan ng mga kabataan tungkol sa mga isyung panlipunan.
Dapat masubok ang kanilang kakayahan sa pagsusuri ng mga plataporma ng mga kandidato, lalo na sa kanilang sektor.
Kung ang kabataan ay magiging mas masigasig sa kanilang paglahok sa proseso ng halalan, magiging mas handa silang magbahagi ng mga solusyon sa mga problema ng bayan at makiisa sa pagtutok sa mga tamang desisyon.Ang mga kabataan ang magiging mga pinuno ng bansa sa mga darating na taon. Kung nais natin ng isang mas maayos at mas makatarungang Pilipinas, kinakailangan ang kanilang pakikilahok sa bawat hakbang ng ating demokratikong proseso.
Ang kanilang boto ay hindi lamang isang simpleng karapatan kundi isang malaking responsibilidad na makakatulong sa paghubog ng kanilang hinaharap.
Kung magpapatuloy ang mga kabataan sa pagpapabaya sa kanilang karapatang bumoto, mawawalan sila ng pagkakataon na magtakda ng tamang direksyon para sa kanilang kinabukasan. Bilang nakatatanda, magsilbi sana tayong gabay sa mga kabataan at higit sa lahat, maging isang mabuting halimbawa.
Comments