ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 4, 2024
Pagdating sa usaping gastusin at pananalapi, dapat maging maalam na ang mga batang mag-aaral. Mahalaga na edukado na sila ukol dito para matiyak ang kanilang seguridad at kapakanan sa hinaharap.
Noong nakaraang taon ay naghain ang inyong lingkod ng panukalang batas (Senate Bill No. 479 o ang Economics and Financial Literacy Curriculum and Training Act) na layong turuan ng financial literacy ang mga mag-aaral sa elementarya, high school, kolehiyo at mga nasa technical-vocational institutions.
Nakakabahala ang resulta ng 2021 Financial Inclusion Survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ipinapakita ng survey na kahit na mas maraming Pilipino ang maaaring magkaroon ng financial account at mamuhunan, mas kaunti sa mga kababayan na may savings at insurance noong 2021. Sa katunayan, ang mga Pinoy na nasa hustong gulang na may savings ay bumaba sa 37 porsyento noong 2021 mula 53 porsyento noong 2019, habang ‘yung mga nasa hustong gulang na may insurance ay bumaba rin sa 17 porsyento noong 2021 mula sa 23 porsyento noong 2019.
Sa pagiging financial literate, makakagawa ang mga mag-aaral ng mabuting desisyon habang bata pa para maging maayos ang kanilang finances hanggang sa hinaharap. Kailangan lang natin silang gabayan.
Lumalabas sa survey ng BSP na ang kakulangan sa financial literacy ay pumipigil sa marami nating mga kababayan na makapagdesisyon nang maayos para sa kanilang kinabukasan at maprotektahan ang kanilang sarili dumating man ang sakuna o anumang pangangailangan.
Kaugnay ng BSP survey, naghain ang inyong lingkod ng Senate Resolution No. 569 upang magbalangkas ang Kongreso ng mga patakaran para sa mga repormang tutulong sa mga Pinoy na magkaroon ng tamang kaalaman at desisyon sa paghawak ng pera kabilang ang pag-iimpok, insurance, pamumuhunan, at paghahanda para sa pagreretiro.
Dahil sa limitadong kita, maraming Pilipino ang naaantala o nauubos pa rin ang ipon, at pumapatol sa kung anu-anong klase ng pangungutang na hindi nababayaran tulad ng sari-saring investment scam na malimit na inaalok ng mga kumpanyang hindi regulated ng gobyerno na kadalasang may mataas na interes.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Komentarze