top of page
Search
BULGAR

Kabaong, pahiwatig na ilibing ang pangit na karanasan at kaugalian

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 7, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lannie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nanaginip ako na may nagyaya sa akin na lalaking hindi ko kilala. Binigyan niya ako ng P500, tapos bibili ako ng damit para may masuot akong pang-alis, tapos ibinili niya ako ng tatlong blouse at pinasakay sa kabaong. Sabi ko, “Bakit kabaong? Ayaw ko rito.”


Ano ang kahulugan ng panaginip kong ito? Natatakot ako sa kabaong.


Naghihintay,

Lannie


Sa iyo, Lannie,


Nakakatakot talaga ang kabaong. Ang totoo nga, sa panaginip, hindi gaanong nakakatakot mapanaginipan ang patay o kaluluwa, pero kapag kabaong na ang napanaginipan, agad kang makadarama ng takot.


Hindi ba, sa kabaong nakalagay ang patay na ililibing? Kaya ang kabaong ay nagpapahiwatig ng kamatayan, pero sa panaginip, ang kamatayan ay hindi aktuwal na pagkawala ng buhay o talagang patay o namatay na.


Dahil ang kabaong sa panaginip ay nagsasabing ang mga dapat patayin ay ang mga ugali mong pangit o ang mga ito ay kailangan mo nang ilibing sa limot. Ang “limot” ay hindi simpleng paglimot kundi ililibing nang tuluyan o buburahin mo na sa iyong alaala at pagkatapos ay mabubuhay ka nang payapa, tahimik at may panatag at matiwasay na kalooban.


Minsan, iha, bilang pagtatapat sa iyo, sa panaginip, ang kabaong ay nagsasabi rin na ang ililibing o ibabaon sa limot ay ang mga karanasan mo na pagkapangit-pangit, masasaklap at mga pahirap sa kalooban. Gayundin, kabilang sa mga ito ang kabiguan.


Hindi kasi puwedeng magpatuloy ang tao na nasa kanya ang masasaklap na alaala ng lumipas at ang masasakit na kabiguan sa nakaraan dahil kapag dala-dala ang mga ito, hindi siya liligaya at magkakaroon ng kaganapan o ‘yung sinasabi ng marami na “move on!”


Dahil paano ka nga ba makaka-move-on kung patuloy mong niyayakap ang lungkot? Tunay ngang malabong maka-abante sa buhay ang taong pasan-pasan pa rin ang kanyang kabiguan sa nakaraan, kumbaga, ang pagsulong ay makakamit lamang kung ang tao ay malaya at maginhawang lalakad sa bagong landas ng buhay na kanyang tatahakin.


Napansin mo ba ang sinabi ko na “bago” sa bagong landas ng buhay? Ito mismo ang postibong kahulugan ng kabaong kung saan para mas malinaw, ito ay nagsasabing ang kabaong ay nagbabalita ng darating na bagong buhay. Ito ay makakamit lamang kapag ganap mong nalimot ang mga pangit na karanasan, ganundin sa sandaling naibaon mo na sa limot at tuluyang binura ang mga pangit mong katangian, kahinaan at bulok na nakaugalian.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page