ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 22, 2021
Dear Doc. Shane,
Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa vasectomy? Gusto ko itong i-open sa aking mister ngunit hindi pa lubos ang impormasyon ko tungkol dito. – Marah
Sagot
Ang vasectomy ay birth control method para sa lalaki. Halos 100% itong epektibo, ligtas, permanente at madaling gawin.
Ang sperm na gawa ng testes ay ang siyang nagpe-fertilize ng female egg. Ang seminal fluid o semen na galing sa prostate ay ang liquid carrier ng sperm. Kapag nagtagpo ang sperm at female egg at fertilization occurs, mabubuntis ang babae.
Sa vasectomy, hinaharangan ang paglabas ng sperm sa pamamagitan ng pagsasara ng tubo na kung tawagin ay ‘vasa deferentia’. Ang tubong ito ay nakakonekta sa testes. Dahil sa pagsasara nito hindi makakasasama sa semen ang mga sperm. Kapag walang sperm, walang pagbubuntis.
Sa vasectomy, tuloy pa rin ang paglabas ng semen, hindi nagbabago ang pakiramdam sa pagtatalik, hindi naaapektuhan ang erection o anumang hormones sa katawan at walang parte ng reproductive organ na inaalis.
Angkop ang vasectomy kung kayo ay naghahanap ng epektibong birth control method, lalo na kung delikadong mabuntis ang asawa o kaya ay may ayaw ipamanang sakit tulad ng mental illness.
Hindi mapanganib ang vasectomy, ngunit tulad ng kahit aling procedure, minsan may komplikasyon ito tulad ng impeksiyon o pakiramdam na masakit habang humihilom ang sugat. Ngunit, minor lamang ito at nagagamot o gumagaling nang kusa sa paglipas ng maiksing panahon.
Kung nais ninyo ng dagdag-impormasyon tungkol sa vasectomy o kung saan ito maaaring gawin, kumonsulta sa inyong doktor.
Comments