ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 9, 2021
Dear Doc. Shane,
Napagagalitan ng nanay ko ang aking tatay dahil mahilig itong kumain ng karne kahit alam niyang bawal ito sa kanya dahil marami na itong iniindang sakit sa katawan tulad ng pagsakit ng mga kasu-kasuan at mataas din ang uric acid niya. Ang mataas ba na uric acid ay nagdudulot ng arthritis? Ano ang mga pagkaing nagdudulot ng pagtaas nito at ano ang mabuting gawin para bumaba ito? – Ramona
Sagot
Ang uric acid ay compound tulad ng asukal o kolesterol na natatagpuan sa katawan. Ito ay binabantayan natin dahil ang mataas na antas ng uric acid ay maaaring magdulot ng uri ng rayuma o arthritis na tinatawag na “gouty arthritis”. Ang mataas na antas ng uric acid ay maaari ring magsanhi ng bato sa bato. Tandaan, na hindi lahat ng rayuma ay dahil sa uric acid; hindi rin lahat ng bato sa bato ay dahil sa uric acid. Mahalagang magpasuri muna sa doktor kung uric acid ang sanhi ng inyong nararamdaman.
Sa totoo lang, ang mga pagkain na binabansagang mataas sa uric acid ay ang mga pagkain na mataas sa purine o purine-rich foods. Ang purine ay compound na bahagi sa mga amino acid na bumubuo ng mga protina sa katawan.
Narito ang mga pagkain na nagdudulot ng pagtaas ng uric acid:
Mga laman-loob sa karne tulad ng atay, lapay at iba pa
Iba pang bahagi ng karneng pula (red meat) tulad ng baboy, baka etc.
Mga isdang galing sa dagat (saltwater fish)
Sardinas, bagoong at alamang
Kabute o mushroom
Sitaw, bataw, patani (anumang uri ng beans)
Beer at alak
Tinapay
Ang magandang balita ay ang ating paboritong kanin o plain rice ay hindi mataas sa purines.
Kung makikita ninyo sa ating listahan, kapag ang isang tao ay nakipag-inuman, may alak at beer, may pulutan na maaaring karne, isdang-dagat, tinapay at iba pa: Naghahalo ang mga pagkaing nagpapataas ng uric acid at mas lumalaki ang probabilidad na magdulot ito ng problema sa inyong katawan.
Mga dapat gawin kapag mataas ang uric acid:
Kumain ng maraming prutas at gulay
Maghinay-hinay sa karne
Iwas sa pagkaing matataba
Iwas sa beer at alak
Uminom ng maraming tubig (8 baso kada araw)
Paano malaman kung mataas ang uric acid?
Ang uric acid ay maaaring sukatin sa pamamagitan ng blood test. Kumukuha ng dugo mula sa braso at ito ay sinusuri sa laboratoryo. Ang normal na antas ng uric acid ay:
Sa mga lalaki: 3.4-7.0 mg/dL (0.2 hanggang 0.41 mmol/L)
Sa mga babae: 2.4-6.0 mg/dL (0.14 hanggang 0.35 mmol/L)
Mahalagang banggitin na ang bawat tao ay iba’t ibang antas ng uric acid na normal para sa kanya; ang nabanggit nating mga numero ay mga pangkaraniwan lamang. Hayaan na ang inyong doktor ang magbasa ng resulta ng inyong blood test para maiugnay niya ito sa iba pang mga blood test at sa kanyang pagsusuri sa inyong katawan ngunit, para sa nakararami, magandang target ay uric acid na mas mababa sa 6 mg/dl o 0.35 mmol/L.
Comments