@Buti na lang may SSS | February 03, 2022
Dear SSS,
Nabalitaan ko na magkakaroon ng pagbabago sa pagbabayad ng loan sa SSS. Ano ba ang tinatawag na Real-Time Processing of Loans (RTPL) Program ng SSS? - Susan
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Susan!
Mula Hulyo 1, 2021 ay mandatory na ang implementasyon ng Real-Time Processing of Loans (RTPL) Program. Para sa iyong kaalaman, kinakailangang kumuha na ikaw ng payment reference number o PRN tuwing magbabayad ng iyong monthly loan amortization para sa loan payments sa SSS. Halimbawa, noong Hulyo ang inyong payment billing para sa Hunyo ay kailangan na ng Payment Reference Number (PRN) kung saan kailangan itong ipakita tuwing kayo ay magbabayad ng iyong loan sa alinmang sangay ng SSS na may Automated Tellering System (ATS) o kaya’y sa alinmang collecting partners ng SSS na compliant sa RTPL.
Samantala, magkaiba ang PRN para sa loan payment at ang PRN na ginagamit sa pagbabayad ng iyong SSS contributions. Kung ikaw ay pupunta sa SSS branch upang magbayad ng iyong salary loan at contributions sa SSS, dapat ay dalawang PRN ang dala mo.
Sakop ng nasabing programang ito ang mga short-term loans tulad ng salary, calamity emergency at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program. Ngunit, hindi kasama ang pagbabayad sa Educational Assistance Loan Program. Maaari itong bayaran gamit ang payment form sa pagbabayad ng EALP.
Ang mga non-PRN loan payments naman ay hindi na tatanggapin matapos ang Hunyo 30, 2021 kabilang ang mga loan payments na isinagawa sa pamamagitan ng Electronic Data Interchange (EDINet) facility para sa mga employers.
Ipinatupad ang RTPL para sa kapakinabangan ng mga nagbabayad na miyembro. Una, mapadadali nito ang agarang pagpo-post ng inyong loan payment sa inyong rekord sa SSS.
Ikalawa, matitiyak na tama ang pagpo-post ng inyong bayad sa inyong loan account.
Ikatlo, maiiwasang i-post sa maling account ang bayad mo. Ang PRN ay natatanging set ng numero na nakaugnay lamang sa inyong loan payment para sa partikular na payment period. Bunga nito, maiiwasan na ang problema sa non-posting sapagkat ang PRN na ibinigay sa inyo ay uniquely generated para sa iyong loan payments.
Tuwing unang araw hanggang anim na araw kada buwan, ang SSS ay nag-generate ng loan billing statements at notices na may PRNs at ito ay ipinadadala sa registered email addresses at mobile numbers ng mga miyembro at employers, kaya hinihikayat sila na may rehistrado at sariling account sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website www.sss.gov.ph.
Mula noong Nobyembre 2020, nagpapadala na ang SSS ng loan billing notices sa mga miyembrong nangutang gayundin sa mga employer nila. Nakapaloob sa nasabing billing notice ang PRN na ipapakita sa sangay ng SSS o RTPL-compliant collecting partner.
Ipinadadala naman sa mga employer ang loan billing notice ng miyembro na kasalukuyang employed. Sa pamamagitan ng e-mail o SMS text message sa mga individual paying members tulad ng self-employed, voluntary at overseas Filipino workers. Kaya mahalagang updated ang inyong contact details gaya ng email address at mobile number sa inyong My.SSS.
Kabilang sa collecting partner na RTPL-compliant ay ang Security Bank at Union Bank of the Philippines. Tatangggap ang mga bangkong ito ng loan repayment na may PRN mula sa miyembro at employer. Maaari ring magbayad ng PRN loan payment ang individual paying members sa mga sangay ng Philippine National Bank na nasa ibang bansa.
Para naman sa mga employer, maaaring magbayad ng loan payment ng kanilang mga empleyado gamit ang BancNet’s eGov facility sa pamamagitan ng Asia United Bank, Bank of Commerce, China Bank Corporation, CTBC Bank, Metropolitan Bank, and Trust Company, MUFG Bank, Philippine Bank of Communications, Philippine National Bank, Rizal Commercial Banking Corporation, Robinsons Bank, Standard Chartered Bank, at United Coconut Planters Bank.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments