top of page
Search
BULGAR

Kaalaman tungkol sa pharyngeal cancer

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | May 15, 2021




Dear Doc. Shane,

Nagkaroon ng cancer sa lalamunan ang tatay ko, naninigarilyo siya dati ngunit, itinigil na niya ito 2 yrs ago pa. Bukod sa paninigarilyo ano pa ang posibleng sanhi nito? Ano ba ang pharyngeal cancer? – Niña


Sagot

Ang pharynx ay isang kalamnang hugis tubo na nagsisilbing lagusan papunta sa oral at nasal cavities na nasa ulo papunta sa esophagus at larynx. Ito ay halos limang pulgada ang haba at malimit na tinatawag na lalamunan. Nagsisimula ito sa likuran ng ilong at ang kabilang dulo ay nasa trachea o windpipe.


Ang bawat bahagi ng pharynx ay may kani-kanyang gawain sa pagtunaw ng pagkain at sa paghinga. Dahil dito, ito ay nahahati sa tatlong pangkat:


Nasopharynx

Ang nasopharynx ay ang nasa likod ng nasal cavity sa likod ng ilong at ito ang itaas na bahagi ng lalamunan. Ito ay nakikipag-usap sa oropharynx sa pamamagitan ng pharyngeal isthmus na nakatabi sa soft palate, palatopharyngeal arches at likod ng pharynx. Ang isthmus ay naisasara kapag lumulunok. Sa lateral wall ng nasopharynx matatagpuan ang mga puwang papunta sa bukana ng auditory tube. At dahil dito, maaaring kumalat ang anumang impeksiyon sa nasopharynx sa tainga.


Oropharynx

Ang oropharynx ay nagmumula sa loob ng soft palate hanggang sa ibabaw ng epiglottis. Ito ay nasa kalagitnaan ng lalamunan. Konektado ito sa oral cavity sa pamamagitan ng isthmus, palatoglossal arches at ng dila. Ang tonsil ay bahagi rin nito.


Laryngopharynx

Ang laryngopharynx ay umaabot sa ibabaw ng epiglottis hanggang cricoid cartilage at dumudugtong sa esophagus. Mayroon itong tinatawag na piriform recess kung saan puwedeng maipit ang mga kinakain na nagiging sanhi ng pagkabulon.


Mga sakit ng lalamunan o pharynx:

  • Kanser sa lalamunan o pharyngeal cancer. Ito ang pagkakakumpul-kumpol ng mga tumor na lumalaki at tumutubo sa mismong lalamunan, sa larynx o tonsil. Ang kanser sa lalamunan ay nakaaapekto rin sa epiglottis. Madalas itong magdulot ng mga sintomas na tulad ng ubo, pag-iiba ng boses o pamamalat, kahirapan sa paglunok, sakit sa tainga, bukol na hindi gumagaling, pamamamaga at pagbawas ng timbang.

  • Namamagang lalamunan o sore throat (pharyngitis). Ang sore throat ay nakaiirita at masakit. Ito ay maaaring hatid ng mga sakit mula sa virus na tulad ng sipon, impeksiyon sa larynx, mononucleosis, mumps o trangkaso. Maaari rin itong manggaling sa bacteria mula sa streptococcus o pamamaga ng tonsil o adenoid, epiglottis o uvula. Puwede rin itong manggaling sa STD tulad ng gonorrhea o chlamydia o aksidente sa lalamunan.

Malimit na ang dahilan ng sakit sa lalamunan ay dahil sa paninigarilyo at pagkairita nito dahil sa mga environmental factors; labis na pagsigaw. Ito ay gumagaling kahit walang medikasyon. Ang gamot sa pamamaga ng lalamunan ay nakadepende sa pinagmulan nito.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page