top of page
Search
BULGAR

Kaalaman tungkol sa PET scan


ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | February 10, 2022




Dear Doc Erwin,


Ako ay ina na may seven years old na anak na lalaki. Kamakailan ay na-diagnose siya na may epilepsy at nag-request ang doktor ng PET scan.


Ano ang PET scan? Makabubuti ba ito sa aking anak at sa kanyang sakit na epilepsy?


May radiation ba ito o may idudulot na masama sa kalusugan ng aking anak? - Maria Rosita


Sagot


Maraming salamat Maria Rosita sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubaybay sa ating health column.


Ang Positron Emission Tomography o PET scan ay imaging technique na ginagamit ng mga specialista sa nuclear medicine. Ang PET scan ay naiiba sa CT scan at MRI.


Sa pamamagitan ng tinatawag na radiotracers, isang radioactive material na naglalabas ng radiation at ng PET scan machine ay nalalaman ng mga dalubhasa kung paano gumagana ang ating katawan, isang organ o kung lumalala o gumagaling na ang sakit.


Halimbawa, sa inyong anak na kamakailan lamang ay na-diagnose na may epilepsy, ginagamit ang PET scan upang malaman ng inyong doktor kung saang parte ng utak ng inyong anak ang apektado ng epilepsy. Makatutulong ang PET scan upang makapagdesisyon ang inyong doktor kung anong gamot o treatment ang nararapat sa inyong anak.


Maaari rin gamitin ang PET scan sa pag-diagnose ng Alzheimer’s disease. Sa ganitong procedure ginagamit ang glucose-based radiotracer, tulad ng FDG o F-18 fluorodeoxyglucose. Dahil ang mga apektadong brain cells sa Alzheimer’s disease ay hindi gaanong nagagamit ang glucose, bilang source of energy, kumpara sa mga normal brain cells, makikita sa PET scan ang parte ng brain na may kakulangan sa paggamit ng glucose. Ang mga bahagi na ito ang apektado ng Alzheimer’s disease.


Isa pang halimbawa ay ang paggamit ng PET scan sa sakit na cancer. Sa pamamagitan ng PET scan nalalaman kung may cancer ang pasyente at kung anong stage na ng cancer meron ito. Makatutulong din ang PET scan upang malaman ng doktor at ng pasyente kung epektibo ang ginagawang treatment sa pasyente o muling bumalik ang cancer.


Sa sakit sa puso, malalaman, sa pamamagitan ng PET scan, kung aling parte ng puso ang apektado ng sakit at kung may problema sa pagdaloy ng dugo sa puso.


Tungkol sa inyong katanungan kung ang PET scan ay may radiation, dahil gumagamit ang PET scan ng radioactive material bilang radiotracer nito, mayroong risk dahil sa radiation exposure.


Hindi ito nararapat sa mga buntis at breastfeeding mothers. May mga pagkakataong ito ay maaaring gamitin sa mga nabanggit kung sa evaluation ng doktor ay mas makabubuti ito kaysa makakasama sa pasyente at sa bata. Sa pagkakataong ito ay kinakailangang malaman ng pasyente ang mga risks ng radiation ng PET scan sa kanyang katawan at sa bata na kanyang ipinagbubuntis.


Sa breastfeeding mother naman ay kinakailangang palipasin muna ang apat oras o higit pa pagkatapos ng PET scan bago muling magpasuso.


Dahil sa radiation na nanggagaling sa radiotracers na ginamit sa PET scan ay pinapayuhan ang pasyente na pansamantalang lumayo muna ng ilang oras sa mga buntis, breastfeeding mothers at sa mga bata upang maiwasan ang radiation exposure sa mga nasabing indibidwal.


Sana ay nasagot ng ating mga ipinahayag sa itaas ang iyong mga katanungan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page