ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 28, 2021
Dear Doc. Shane,
Ako ay house wife at may tatlong anak. Napagdesisyunan namin ng mister ko na tama na ang tatlong mga anak dahil sa hirap ng buhay ngayon. Kaya’t naisip ko na magpalagay ng IUD dahil hindi ako hiyang sa contraceptive pills. Okay lang ba kung ito ang gamitin ko? – Margie
Sagot
Ang IUD o intrauterine device ay maliit na bagay na inilalagay sa matris upang pigilin ang pagbubuntis. Naaapektuhan nito ang galaw ng mga sperms at ang mga itlog galing sa ovary upang hindi matuloy ang fertilization. Ang IUD ay 99% na epektibo bilang birth control device.
Ang IUD ay kailangang sa clinic ilagay, subalit bago ito ilagay kailangan ang masusing check-up tulad ng pelvic at breast exam, pap smear, sexually transmitted infection check-up at pregnancy test at kung may problema kailangang ayusin muna ang mga ito.
Ikinakabit ang IUD habang may regla dahil mas tiyak na hindi buntis ang babae sa panahon na ‘yun. Ang procedure ay tumatagal ng 5 hanggang 15 minuto lamang. Ang IUD ay maaaring tumagal at maiwan sa matris ng hangang 10 taon.
Ang IUD ay may maliit na tali na nakalawit sa ari ng babae. Rito tsine-check kung ayos ang lagay nito. Maaaring alisin ang IUD kahit anong oras. Mas madali ang pagtanggal nito kaysa pagkabit.
Ang IUD ay hindi para sa lahat. Ang sumusunod ay hindi dapat kabitan ng IUD: Ang mga madalas magkaroon ng pelvic at cervical infection, ang mga buntis, ang may cancer sa genital area, ang may unexplained vaginal bleeding, ang may HIV/AIDS at ang may history ng ectopic pregnancy.
Ang kabutihan ng IUD ay hindi ito hadlang sa pagtatalik, hindi kailangan ng atensiyon araw-araw, epektibo ito agad at pangmatagalan.
Ang hindi kasiya-siya sa IUD ay kailangang magpunta sa doktor upang ikabit at tanggalin ito, mayroon ding pagkakataon na biglang matanggal ng kusa ang IUD.
Magtungo sa iyong Ob-Gyne at magtanong tungkol sa IUD na nais mong magpalagay nito.
Comments