top of page
Search
BULGAR

Kaalaman tungkol sa ‘longevity genes’ o pampahaba ng buhay


ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | January 13, 2022




Dear Doc Erwin,


Last month ay ipinagdiwang ko ang aking ika-60 kaarawan. Bagama’t masaya ako at narating ko ang edad na ‘to, nag-iisip ako ng mga paraan kung paano ko pa mapahahaba o madurugtungan ang aking buhay.


Nabasa ko ang inyong huling artikulo sa Sabi ni Doc ang tungkol sa gamot sa diabetes na maaaring magpahaba ng buhay. Bukod sa gamot na inyong binanggit, mayroon pa bang pag-aaral tungkol sa pagtanda at age-related diseases? – Eduard


Sagot


Maraming salamat Eduardo sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Kung mayroong research area kung saan napaka-aktibo ang mga scientists at researchers, ito ay ang pag-aaral tungkol sa pagtanda ng tao. Kung bakit tumatanda ang tao at kung bakit sa pagtanda ng tao ay nagkakasakit ito, ang mga katanungang masusing pinag-aaralan ng mga scientists sa buong mundo.


Noong 1979 ay nadiskubre ng mga scientists ang ilang uri ng kakaibang proteins na makikita sa loob ng mga cells ng iba’t ibang organismo, hayop at kasama na ang tao.


Tinawag nila itong “silent information regulator proteins”. Ang genes na nagpo-produce ng proteins ay tinatawag na ‘SIRT’ at ang mga proteins na pino-produce naman ng SIRT ay tinawag nilang “Sirtuins”.


Ayon sa review article noong August 2020, na nailathala sa scientific journal na Aging and Disease, mula noong 1999 ay nakita na ang SIRT at Sirtuins ay tumutulong magpahaba ng buhay. Nakita rin nilang habang nagiging komplikado ang organismo ay nagiging komplikado rin ang functions ng Sirtuins na nakikita sa kanilang cells.


Halimbawa, mas simple ang function ng Sirtuins na makikita sa yeast cells kompara sa mga Sirtuins na makikita sa mga hayop. Mas komplikado naman ang functions ng Sirtuins na makikita sa mga tao kompara sa mga hayop.


Bagama’t marami at magkakaiba ang functions ng Sirtuins, ang functions na ito ay tumutulong magpahaba ng buhay.


Dahil sa role ng SIRT sa pagpapahaba ng buhay ay tinatawag itong ‘Longevity genes’ at

ang Sirtuins na pino-produce nito ay tinawag na ‘anti-aging proteins’. Mayroong 7 longevity genes na makikita sa tao.


Kaakibat sa function ng SIRT o Longevity genes na pagpapahaba ng buhay ay ang isa pang mahalagang function nito – ang survival ng ating mga cells. Dahil dito, sa panahon ng mga ‘threats’ o ‘metabolic stress’, tulad ng kakulangan sa pagkain, matinding lamig o init sa kapaligiran o anumang kapahamakan laban sa ating katawan ay naa-activate ang ating mga longevity genes at ito ay nagpo-produce ng Sirtuins. Upang ihanda ang ating katawan laban sa kapahamakan, tinutulungan ng Sirtuins ang mga cells natin upang mag-shift mula sa “reproduction mode” at i-concentrate ang lahat ng mga resources nito sa “survival mode”.


Subaybayan natin ang pangalawang parte ng serye natin tungkol sa longevity genes.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page