top of page
Search
BULGAR

Kaalaman tungkol sa kompyutasyon ng maternity benefit

@Buti na lang may SSS | March 12, 2023


Dear SSS,


Magandang araw! Nais kong malaman kung paano ang computation ng SSS maternity benefit.


Magkano naman ang benepisyong maaari kong makuha para rito? Salamat — Arianne


SAGOT:


Mabuting araw sa iyo, Arianne!


Binabati ka namin ng maligayang pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan.


Ang maternity benefit o benepisyo sa panganganak ay cash allowance na ibinabayad ng SSS sa mga kababaihang miyembro nito sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa kanyang panganganak.


Sa ilalim ng Republic Act 11210 o mas kilala sa Expanded Maternity Leave Law (EMLL) na ipinatupad noong Marso 11, 2019, 105 days na ang paid maternity leave ng isang miyembro ng SSS, maging ito ay normal o caesarian delivery. Samantala, binibigyan naman ng 60 days na paid maternity leave ang mga kababaihan na nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy (ETP).


Samantala, ang mga solo parent ay maaari pang makakuha ng karagdagang 15 days na paid maternity leave.


Arianne, paano mo naman malalaman kung ikaw ay qualified sa nasabing benepisyo?


Una, dapat alamin mo ang semestre ng iyong panganganak. Ang semestre ay binubuo ng dalawang magkasunod na quarter o katumbas ng anim na buwan at nagtatapos sa quarter kung saan nakapaloob ang buwan ng iyong panganganak. Kapag alam mo na ang semestre ng iyong panganganak, aalamin mo naman ang 12-month period bago ang semester ng iyong contingency at i-check mo kung mayroon kang hindi bababa sa tatlong buwang hulog sa SSS. Kung mayroon kang tatlong hulog (o higit pa) sa loob ng nasabing period, qualified kang makakuha ng maternity benefit.


Sunod, alamin mo ang iyong average daily salary credit. Kinukuwenta ang average daily salary credit (ADSC) sa pamamagitan ng pagpili ng anim na pinakamatataas na monthly salary credit (MSC) sa loob ng 12-month period.


Kunin mo ang kabuuang halaga ng anim na MSC na ito at i-divide sa 180 (constant divisor).


Anumang halaga na makuwenta dito ay ang iyong average daily salary credit.


Panghuli, i-multiply ang average daily salary credit sa 105 kung normal o caesarian delivery o kaya sa 60 kung nakunan o ETP upang makuha kung magkano ang maternity benefit na iyong matatanggap.


Para sa iyong kaalaman, Arianne, ang MSC ang batayan ng computation ng mga benepisyo at loan ng isang miyembro ng SSS.


Halimbawa, ikaw ay nanganak noong Enero 26, 2023 at sumusuweldo ka ng P20,000 kada buwan.


Ang semester of contingency mo ay mula Oktubre 2022 hanggang Marso 2023. Kaya ang 12-month period bago ang semester of contingency ay magsisimula sa Oktubre 2021 hanggang Setyembre 2022. Dito pipiliin ang anim na pinakamatataas na monthly salary credit o MSC.


Ipagpalagay nating P20,000 ang MSC mo sa bawat buwan ng nasabing period, kukunin natin ang total ng anim na napiling MSC at makukuha natin ang P120,000, matapos nito ay i-divide ang P120,000 sa 180. Ang lalabas na average daily salary credit ay P666.67.


Ang P666.67 ay i-mu-multiply sa 105 days, kung normal o caesarian delivery at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P70,000.


Subalit kung nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy, i-multiply ang P666.67 sa 60 at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P40,000.


Dapat palaging siguruhin ng miyembro na updated ang kaniyang kontribusyon sa SSS upang maging kwalipikado siya sa maternity benefit. Samantala, wala ng kaukulang limit sa pagdadalang-tao ng miyembro simula noong ipatupad ang EMLL.


Dagdag pa rito, maaari nang i-file ang Maternity Benefit Application online sa pamamagitan ng My.SSS portal na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph).

***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Marso 31, 2023 para sa calendar year 2021.


Samantala, ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship. Kung kasalukuyang naninirahan sa Pilipinas ang isang retirement pensioner, sila ay exempted na para sa ACOP compliance.



 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page