ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 12, 2020
Dear Doc. Shane,
Leukemia ang ikinamatay ng aking pamangkin at natatakot ako dahil may ilang sintomas ng sakit na ito ang nararanasan ngayon ng aking anak na halos kaedad niya. Nagkakaroon siya ng mga pasa sa katawan at minsan ay nadugo ang kanyang ilong. Pero hindi pa ako sigurado kaya nais ko sanang matalakay ninyo ito. Sa ngayon ay hindi ko pa siya maipa-checkup dahil sobrang kapos ang pera namin. – Myra
Sagot
Ang leukemia ay isang uri ng kanser na maaaring makaapekto sa dugo at sa mga selula na lumilikha ng dugo. Kaya, karaniwan itong tinatawag na kanser sa dugo (blood cancer).
Nagkakaroon ng kanser ang dugo dahil sa paggawa ng bone marrow ng mga abnormal na uri ng white blood cell. Ang malusog na white blood cell ay tumutulong sa paglaban ng impeksiyon. Kapag lubhang dumami ang abnormal na white blood cell sa dugo, maaapawan ng mga ito ang malulusog na blood cell. Dahil dito, magiging napakahirap para sa dugo na labanan ang mga impeksiyon at iba pang uri ng kondisyon.
Ang leukemia ay may iba’t ibang uri, kabilang na ang mga sumusunod:
Acute myeloid leukemia (AML). Tinatawag din itong acute myeloblastic leukemia, acute granulocytic leukemia, acute myelogenous leukemia o acute nonlymphocytic leukemia. Ito ay kondisyon kung saan mabilis na lumalago ang kanser sa dugo at bone marrow.
Acute lymphocytic leukemia (ALL). Ito ay mabilis lumago. Pinapalitan nito ang malulusog na mga selula. Ang mga selula nito ay tinatangay at kumakalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng mga daluyan ng dugo. Kabilang sa naaapektuhan nito ay ang atay, utak, bayag at maging ang mga kulani (lymph nodes). Dahil marami ang bahagi ng katawan na naaapektuhan nito, marami ang maaaring maging sintomas nito.
Chronic myeloid leukemia (CML). Ito ay nag-uumpisa sa mga selula na lumilikha ng dugo sa bone marrow. Sa paglipas ng panahon ay kumakalat ito sa dugo at pati na rin sa iba pang bahagi ng katawan.
Chronic lymphocytic leukemia (CLL). Ito ay mabagal ang pagkalat. Nagsisimula ito sa lymphocyte sa bone marrow at kumakalat sa dugo. Maaari itong kumalat sa iba pang bahagi ng katawan, kabilang na sa pali (spleen), atay at kulani. Nagkakaroon ng kondisyong ito kapag mas marami ang mga abnormal na blood cell kaysa sa malulusog na cell. Ito ay nagiging sanhi ng kawalan ng kakayahan ng dugo na labanan ang mga impeksiyon.
Hairy cell leukemia. Ito ay hindi pangkaraniwang chronic lymphocytic leukemia na mabagal ang pagkalat. Nagkakaroon nito ang tao kapag sumobra ang dami ng B cells na nalilikha sa bone marrow. Dahil dito, kakaunti lamang ang nalilikha na mga malulusog na white blood cell, red blood cell at platelet.
Sintomas:
Pagkakaroon ng lagnat na may panginginig
Madalas na pagkakaroon ng impeksiyon
Madalas na pananamlay
Pamamaga ng mga kulani, atay at pali (spleen)
Madaling pagkaroon ng mga pasa at hindi maipaliwanag na pagdurugo
Pabalik-balik na pagdurugo ng ilong
Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang
Pagkakaroon ng pulang pantal sa balat
Labis na pagpapawis kahit sa gabi
Pananakit ng mga buto
May mga uri ng leukemia na maaaring iwasan. Ang pangunahing paraan para makaiwas sa sakit na ito ay ang pagbabago sa uri ng pamumuhay.
Iwasan ang mga pagkaing mayaman sa high-fat na dairy product, processed meat, refined grain, matatamis na pagkain, high-calorie na inumin at maging ang mga instant na pagkain.
Iwasan ang artificial sweetener, tulad ng sucralose.
Sikaping magkaroon ng sapat na ehersisyo
Comentarios