@Buti na lang may SSS | March 21, 2021
Dear SSS,
Sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law, ano ang obligasyon ng employer sa pagbibigay ng benepisyo sa manggagawa nitong kababaihan? At paano ito naiiba sa dating batas? – Sheila
Sagot
Napapanahon ang iyong katanungan ngayong ipinagdiriwang natin ang Women’s Month. Ang maternity benefit ang isa sa pinakakilalang benepisyo ng SSS para sa kababaihang miyembro nito. Sa ilalim ng Republic Act 11210 o mas kilala sa tawag na 105-day Expanded Maternity Leave Law, pinalawig ang bilang ng araw ng maternity leave. Sa ilalim ng lumang batas tungkol sa maternity leave, 60 araw ang ibinibigay na maternity leave para sa normal delivery at 78 araw naman para sa caesarian delivery. Subalit sa bagong batas, magiging 105 araw na ang maternity leave ng mga nanganak, normal man o caesarian ang delivery. Bukod dito, may opsiyon din ang mga nanganak na palawigin pa ito ng karagdagang 30 araw ngunit wala na itong bayad. Nagbibigay din ng karagdagang 15 araw para naman sa mga single mothers.
Samantala, binibigyan naman ng 60 araw na maternity leave ang kababaihan na nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy.
Nasasaklaw ng bagong batas ang lahat ng kababaihang manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor, kabilang na ang nasa informal sector, anuman ang kanilang civil status at legitimacy ng kanilang anak.
Kung sa dati ay limitado lamang ang maternity benefit sa unang apat na pagbubuntis, ngayon ay wala nang limitasyon ang bilang ng pagbubuntis na mabibigyan ng benepisyo sa panganganak. Makatatanggap ang babaeng miyembro ng SSS ng benepisyo sa bawat pagbubuntis nito.
Para sa mga employer, responsibilidad nilang abisuhan ang SSS tungkol sa pagbubuntis ng kanilang empleyado at dapat paunang bayaran ang kabuuang maternity benefit sa loob ng 30 araw matapos i-file ang maternity benefit claim application.
Sa ilalim ng bagong batas, nais naming ipaalala na dapat bayaran ng mga employer ang difference sa pagitan ng kabuuang kita ng mangagawang babae at ang aktuwal na tinanggap nitong cash benefits mula sa SSS. Halimbawa, kumikita ang babaeng mangagawa ng P1,000 kada araw, lalabas na ang kabuuang kita niya sa 105 araw ay P105,000. Kung ang natanggap niyang maternity benefit mula sa SSS ay P70,000, ibibigay pa rin ng employer ang P35,000 na kakulangan sa pagitan ng P105,000 at P70,000.
Ipinaaalala namin na ang sinumang employer na lalabag sa Expanded Maternity Leave Law ay pagbabayarin ng kaukulang multa na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P20,000 at hindi hihigit sa P200,000.
Maaari rin siyang makulong ng mula anim (6) na taon at isang (1) araw hanggang 12 taon. Hindi na rin sila maaaring maisyuhan ng kaukulang business permit sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments