top of page
Search
BULGAR

Kaalaman tungkol sa disability benefits

@Buti na lang may SSS | January 11, 2023



Dear SSS,


Magandang araw SSS! Paano ba makakuha ng SSS disability benefit ang mga miyembro na tulad ko? - Julia


Sagot


Sa ilalim ng World Health Organization (WHO), ang kahulugan ng pagkabalda o disability ay tumutukoy sa “anumang kawalan o kakulangan (sanhi ng pinsala o impairment) ng kakayahang gampanan ang isang gawain sa paraang angkop sa indibidwal.” Ang depinisyong ito ay patuloy na sinusunod ng SSS. Subalit, nagpatupad ng pagbabago ang SSS sa paraan ng pagbibigay ng benepisyo sa pagkabalda sa mga miyembro upang mas mapabuti ang pagbibigay ng serbisyo habang isinasaalang-alang ang tamang benepisyo ay ibinabayad sa miyembrong nangangailangang tumanggap nito.


Ang disability benefit ay ibinabayad din sa miyembro na nawalan ng kakayahang magtrabaho o ang kanyang kakayahang kumita ay nabawasan dahil sa kapansanan na sanhi ng karamdaman o pagkapinsala. Isasailalim siya sa pagsusuri ng mga doktor ng SSS upang malaman kung ang kanyang pagkabalda ay kuwalipikadong mabigyan ng nasabing benepisyo.


Samantala, may dalawang uri ng pagkabalda:


1. Permanent Partial Disability. Maituturing na permanent partial disability ay ang pagkawala ng kakayahang gamitin o lubusang pagkawala ng alinman sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:


isang hinlalaki ng kamay o paa;

isang hintuturo;

isang hinlalato;

isang palasingsingan;

isang hinliliit;

isang kamay;

isang braso;

isang paa;

isang binti;

isa o dalawang tainga;

pagkawala ng pandinig ng isa o dalawang tainga; at

pagkawala ng paningin o pagkatanggal ng isang mata.


Samantala, may iba pang mga uri ng pagkabalda na maaaring apruban o bayaran ng SSS bukod sa mga nabanggit.


Buwanang pensyon naman ang ibinabayad sa miyembro na may permanent partial disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng pagkabalda. Ang bilang ng buwan na tatanggap siya ng pensyon ay nakabatay sa resulta ng pagsusuri ng Medical Evaluation Section ng SSS.

Samantala, lump sum amount naman ang ibinabayad kung hindi nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon.


2. Permanent Total Disability. Itinuturing naman na permanent total disability ang mga sumusunod:


ganap na pagkabulag ng dalawang mata;

pagkaputol ng dalawang kamay o dalawang paa;

permanente at ganap na pagkaparalisa ng dalawang kamay o dalawang paa;

pagkapinsala ng utak na naging sanhi ng pagkasira ng isip; at

iba pang mga kaso na itinuturing ng SSS na lubusang pagkabalda.


Buwanang pensyon ang ibinabayad sa miyembro na may permanent total disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng kanyang pagkabalda. Ang benepisyong ito ay katumbas na rin ng SSS Retirement Benefit kung saan mas pabor sa mga miyembrong wala pang 60 taong gulang dahilan sa karagdagang P500 kada buwan na kanilang tinatanggap bilang supplemental allowance.


Pinapaalalahanin din natin ang mga miyembro at pensyonado na magkaroon ng kanilang bank account na kinakailangang i-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module ng SSS para sa crediting ng kanilang mga benepisyo at loan privileges mula sa SSS.Kaugnay nito, kailangan din na may sariling My.SSS account, na matatagpuan naman sa SSS website. Ito’y upang ganap na ma-iaccess ang iba’t ibang online service facilities ng SSS, lalo na sa pagpa-file ng application para sa loans at benefit claims sa SSS.

 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page