@Buti na lang may SSS | November 13, 2022
Dear SSS,
Magandang araw! Ang Corporate Social Responsibility Unit ng aming kumpanya ay nais makatulong sa mga miyembro ng SSS na hindi nakapaghulog ng kanilang buwanang kontribusyon. Kaya gusto naming malaman kung ano itong Contribution Subsidy Provider Program? - Lito ng multinational corporation
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Lito!
Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat kalulunsad lamang ng SSS noong Nobyembre 4, 2022 ang Contribution Subsidy Provider Program o CSPP na ipinagtibay sa bisa ng Office Order No. 2022-063 na nilagdaan noong Oktubre 28, 2022. Ito ay isa sa pinakabagong programa ng SSS, kung saan itinataguyod ang isa sa pinakamahalagang ugali ng Pilipino—ang bayanihan o pagtutulungan ng bawat isa.
Para sa iyong kaalaman, Lito, ang CSPP ay contribution subsidy scheme para sa pagpapalawig ng compulsory coverage ng Self-employed, land-based Overseas Filipino Workers (OFWs) at voluntary members na umalis sa kanilang pinagtatrabahuan o nawalan ng trabaho, lalung-lalo na ang kabilang sa informal sector. Sa ilalim nito, hinihikayat ng SSS ang indibidwal at grupo na i-subsidize nila ang buwanang kontribusyon ng mga SSS member, lalo na ang mga miyembro na nahihirapang ipagpatuloy ang kanilang paghuhulog.
Sa pamamagitan ng programang ito, magtutulungan ang SSS at contribution subsidy provider upang maipagpatuloy ng mga nabanggit na kategorya ng mga miyembro ng SSS na mabigyan sila ng nararapat na social security coverage at protection.
Samantala, ang contribution subsidy provider ay maaaring manggaling mula sa pribado o pampublikong sektor.
Babayaran ng contribution subsidy provider ang hindi bababa sa anim na buwang kontribusyon ng napili niyang SSS member. Kaya, kung ang inyong kumpanya, Lito ay nais magiging contribution subsidy provider, bibigyan kayo ng SSS ng Certification with Undertaking o Memorandum of Agreement (MOA) at ituturing na kayong isa sa mga coverage at collection partner ng SSS.
Online ang registration. Maaari ninyong bisitahin ang aming website, www.sss.gov.ph at i-click ang Coverage and Collection Partner portal. Punan ninyo ang kinakailangang impormasyon upang maging ganap kayong contribution subsidy provider.
Maaari ninyong bayaran ang kontribusyon ng inyong napiling miyembro o miyembro sa tellering facilities na matatagpuan sa mga sangay ng SSS o sa mga accredited collection partners nito.
Hinahangad ng SSS na sa tulong ng mga indibidwal o grupo na may mabuting kalooban ay maiabot natin ang SSS coverage sa mga manggagawa sa informal sector at mga land-based OFWs. Ang mga manggagawang ito ang may pinakamababang social security coverage sa ating workforce at isa sa pinaka-vulnerable na sektor ng ating lipunan.
Ang pagsubsidya sa kontribusyon ng SSS member ay itinuturing ng SSS na pinakamagandang regalo na maaaring mabibigay ng Pinoy sa kapwa niya Filipino ngayong Kapaskuhan.
***
Binuksan ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.
Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.
Binuksan din ng SSS noong Oktubre 7, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon ‘Karding.’
Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga, at San Miguel sa Bulacan.
Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Enero 6, 2023.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comentários