top of page
Search
  • BULGAR

Kaalaman tungkol sa Condonation Program ng SSS

@Buti na lang may SSS | November 21, 2021



Dear SSS,


Ako ay dating nagtatrabaho sa warehouse sa Valenzuela. Noong 2018, lumipat ako ng trabaho sa Ortigas at mayroon akong SSS salary loan sa dati kong trabaho na hindi ko naipakaltas sa employer ko ngayon. Mula noon ay hindi ko na ito nabayaran at nag-aalala akong malaki na ang penalty nito. Mayroon bang condonation program ang SSS ngayon? – Henry


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Henry!


Para sa iyong kaalaman, naglunsad ang SSS ng mga programa sa ilalim ng Pandemic Relief and Restructuring Programs (PRRP) upang matulungan ang mga miyembro at employer na may pagkakautang sa SSS na higit na naapektuhan ng pandemya.


Isa nga rito ang Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o PRRP 5. Sa ilalim ng nasabing programa, hindi mo na kailangang bayaran ang mga naipong multa o penalties sa hindi mo nabayarang utang sa SSS salary loan. Maliban sa salary loan, saklaw din nito ang Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.


Ang babayaran mo na lang ay ang principal at interest kung saan maaaring bayaran ito ng buo o one-time full payment, o kaya’y bayaran ang 50% nito bilang down payment at ang nalalabing balanse ay sa pamamagitan ng installment sa loob ng anim na buwan.


Kinakailangan lamang na matugunan ang sumusunod na kondisyon:


· hindi nabayaran ang short-term member loan sa loob ng anim na buwan bago ang implementasyon ng programa;

· hindi pa nabibigyan ng final benefit claim tulad ng permanent total disability o retirement benefit; at

· hindi na-disqualify dahil sa panloloko o fraud laban sa SSS;


Kuwalipikado rin sa nasabing programa maging ang mga tagapagmana o benepisaryo ng namatay na miyembro na nag-file ng aplikasyon para sa final benefit claim tulad ng permanent total disability o retirement, kung saan ang kanilang contingency date ay nakapaloob sa panahon ng application period para sa naturang condonation program.


Dagdag pa rito, ang mga miyembro na magbabayad sa ilalim ng installment basis ay kinakailangang hindi lalagpas sa 65 taong gulang sa pagtatapos ng kanilang installment term.


Mula noong Lunes, Nobyembre 15, 2021 hanggang Pebrero 14, 2022 ay maaari ng mag-apply sa nasabing programa. Hindi mo na kailangang magtungo sa sangay ng SSS sa pag-file nito sapagkat maaari mo na itong gawing online gamit ang iyong account sa My.SSS. Kaya dapat tiyakin mong may account kang nakarehistro ka na sa My.SSS.


Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at i-click ang “MEMBER”. Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang pagrerehistro dito.


Kailangang punan ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan, ang irerehistrong e-mail address ay aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para mai-activate at magamit ang My.SSS account ng miyembro.


***


Nais nating ipaalam sa mga retirement pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program (PLP) ng SSS para sa kanilang panandaliang pangangailangang-pampinansiyal.


Simula Setyembre 15, 2020, maaaring mag-sumite ng aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.ss.gov.ph).


Kinakailangan lamang na mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon.


Makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran ng hanggang 24-months o dalawang taon.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page