top of page
Search
BULGAR

Kaalaman tungkol sa cardiomegaly o paglaki ng puso

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 10, 2021





Dear Doc. Shane,


Sadya bang lumalaki ang puso ng tao? Kung gayun ay ano ang dahilan kung bakit ito nangyayari? Nagpa-checkup kasi ang tatay ko at nakitang lumalaki umano ang kanyang puso. May kaugnayan ba ito sa malakas na pag-inom ng alak at paninigarilyo? – Marife


Sagot


Lumalaki ang puso ng tao, na mas malaki pa kaysa sa ating kamao at ang tawag dito ay cardiomegaly.


Bakit lumalaki ang puso?


Ayon sa cardiologist, sinabi niyang lumalaki ang puso dahil sa pagtaas ng presyon ng dugo at bunga ng sakit sa puso tulad ng coronary artery disease.


Puwede ring lumaki ang puso ng may problema sa thyroid, kidneys, may kanser at virus, tulad ng HIV at dengue. May mga impeksiyon din na maaaring maging dahilan ng paglaki ng puso.


May mga antibiotics din na maaaring magpalaki ng puso tulad ng sulfonamides at mga ipinagbabawal na gamot tulad ng cocaine. At ang nakakalasing na inumin ay maaari ring maging dahilan nito.


Nahihirapan ang pusong magpalabas-pasok ng dugo dahil sa paglaki nito kaya naman, ang ilang may ganitong kondisyon ay maaaring atakehin sa puso.


May dalawang uri ng cardiomegaly:


Kapag may dilated cardiomyopathy, ang mga dingding ng kaliwa at kanang bahagi ng puso ay nababanat at nagiging manipis. Nagiging makapal naman ang left ventricle ng puso dahil sa mataas na presyon ng dugo, at ito ay tinatawag na hypertrophy.


Madalas na walang sintomas ang paglaki ng puso. Pero kapag talagang nahihirapan nang mag-pump ng maayos ang puso, dito na nararamdaman ang parang napupugto ang hininga, nahihilo, bumibilis o bumabagal ang pagtibok ng puso, nagkakaroon ng palpitation at palaging parang pagod.


Ang iba naman ay biglang tumataba at namamanas ang mga binti hanggang sa paa.


Kailangang matingnan agad ng doktor ang may ganitong kondisyon. Susukatin ang laki ng puso, pati ang pagkapal ng muscle nito at ang pag-pump na tinitingnan sa echocardiography o ultrasound ng puso. Isinasailalim din sa electrocardiogram o ECG para malaman kung may problema ba ang kuryente ng puso. May ilang procedures din na ginagawa upang makita kung may nagbabara sa mga ugat sa puso na dahilan ng paglaki nito.


Maaari namang bumalik sa normal na sukat ang puso. Ang kailangan lang ay magamot ang pinanggagalingan ng paglaki nito.


Kailangan ding makapagpahinga ng maayos, regular na mag-exercise at uminom ng maraming tubig. Itigil ang paninigarilyo at pag-inom ng alak, at kape. Panatilihing normal ang blood pressure at blood sugar.


At ang pinakaimportante, iwasan ang stress at sobrang pag-aalala. Kaya’t sikapin nang alisin ang mga nagpapa-stress sa ating buhay.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page