ni Ryan Sison - @Boses | September 24, 2021
Layunin ng national vaccination program na mabigyan ng proteksiyon ang mamamayan laban sa malalang epekto ng COVID-19.
At mula Marso ngayong taon, 19.37 milyon na ang fully vaccinated sa bansa.
Gayunman, habang marami tayong kababayan na nag-aabang na mabakunahan, mayroon din namang ilan na nagdadalawang-isip pa at ‘yung iba, desidido nang hindi talaga magpapabakuna.
Kaugnay nito, isinusulong ng isang mambabatas na gawing mandatory ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa lahat ng mga Pilipino sa bansa.
Sa inihaing House Bill (HB) 10249 o An Act Providing for Mandatory COVID-19 Vaccine for All Filipino Citizens Eligible to Receive the Vaccine, kailangang mabakunahan ang lahat ng Pilipino at mga residente ng Pilipinas na kuwalipikadong makatanggap ng bakuna. Ang mga tatangging magpabakuna ay makukulong nang 30-araw at magmumulta ng P10,000.
Alinsunod sa HB 10249, ang lahat ng gastusin sa bakuna ay sasagutin ng gobyerno, habang ang mga pribadong kumpanya ay maaari ring bumili ng bakuna para sa kanilang mga empleyado, basta’t ibibigay ito nang libre.
Gayunman, hindi saklaw ng panukala ang mga taong may ibang paniniwala sa relihiyon at maging ang mga may kondisyong medical na makakasama ang pagbabakuna kung walang sertipikasyon ng mga doktor.
Samantala, ang mga fully vaccinated ay bibigyan ng Vaccine Pass para sa access ng mga ito sa public tourism resort, accommodation, assembly o amusement center.
Sa kabila ng panawagan ng medical experts at gobyerno na magpabakuna na ang publiko, tulad ng inaasahan, hindi lahat ay susunod.
‘Yung iba, ayaw magpabakuna dahil kulang sa kaalaman, pero kung tutuusin, puwede pa natin silang makumbinsi at madadaan sa pagbibigay ng edukasyon tungkol sa bakuna, gayundin ang kahalagahan nito upang makaiwas sa malalang epekto ng sakit.
Kaya ang tanong, kailangan ba talagang umabot sa punto na may makulong at magmulta para lang makumbinse ang taumbayan na magpabakuna o baka naman may iba pang paraan?
Huwag tayong magsayang ng oras at enerhiya sa mga wa’ ‘wentang bagay. Sa halip, magpokus tayo sa makabuluhan at makatotohanang hakbang kontra pandemya.
Tandaan, layunin pa rin nating maprotektahan ang isa’t isa laban sa sakit. Kaya kung sa kulungan ang bagsak ng mga ayaw magpabakuna, mananatili silang walang proteksiyon laban sa virus at ang ending, tataas lang ang bilang ng kaso at hindi madadagdagan ang bilang ng mga bakunado. ‘Wag din nating kalimutan na virus ang kalaban natin dito at hindi tao.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments