top of page
Search
BULGAR

Kaalaman tungkol sa anti-inflammatory diet

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 19, 2022




Dear Doc Erwin,


Kamakailan ay dumating ang aking matalik na kaibigan mula sa Europa at nalaman ko sa kanya ang makabagong diet na makatutulong upang maiwasan ang maraming sakit, tulad ng sakit sa puso, diabetes at high blood pressure. Ayon sa kanya, maaari ring maiwasan ang cancer at depression sa pagkain ng tinatawag na “anti-inflammatory diet”.


Nais ko sanang malaman kung ano ang anti-inflammatory diet, kung ito ba ay makatutulong sa aking kalusugan at kung may mga pag aaral na tungkol dito. - Maria Josephine


Sagot


Maraming salamat Maria Josephine sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang “inflammation” ay pamamaraan ng ating katawan upang malabanan ang mga bacteria, virus, toxins at infections. Ina-activate ng inflammation ang ating immune system upang ma-eliminate ang mga nabanggit at tinutulungan nito ang ating katawan na maghilom at gumaling mula sa sakit. Ang ganitong uri ng inflammation ay panandalian lamang hanggang sa maibalik ang ating katawan sa healthy state nito. Ngunit kung ang inflammation ay maging “chronic” o pang-matagalan, ito ay magiging dahilan ng maraming sakit, tulad ng diabetes, sakit sa puso, hypertension, cancer at Alzheimer’s disease. Ang tawag sa ganitong masamang uri ng inflammation ay Systemic Chronic Inflammation o SCI.


Sa pag-aaral na nailathala sa peer-reviewed journal na Nature Medicine noong December 2019, ang chronic inflammation o SCI ay unti-unti sumisira sa ating mga organs na dahilan ng maraming sakit, tulad ng diabetes, sakit sa puso, cancer at Alzheimer’s disease, depression at osteoporosis. Ayon pa rin sa pag-aaral na ito, habang tayo ay tumatanda ay tumataas ang levels ng mga inflammatory markers sa ating katawan, tulad ng cytokines, chemokines at acute phase proteins. Sa pag-aaral na inilathala sa scientific journal na Lancet noong 2010, ang mataas na level ng inflammatory marker na CRP sa ating katawan ay nangangahulugan ng pagtaas ng ating risk na magkaroon ng sakit sa puso at stroke.


Dahil sa mga nabanggit at mga pag-aaral tungkol sa anti-inflammatory effects ng mga antioxidants at polyphenols na makikita sa mga sari saring pagkain ay binuo ng mga eksperto ang “anti-inflammatory diet”. Ang diet na ito ay pagkain ng mga pagkain na mayaman sa antioxidants at polyphenols na nakatutulong sa ating kalusugan at lumalaban sa masamang uri ng inflammation sa ating katawan. Ang mga ito ay ang mga prutas na papaya, mangga pineapple at berries; mga gulay, tulad ng carrots, kalabasa at madahon na gulay; mga beans at lentils; isda na mayaman sa omega-3, tulad ng salmon, sardines at mackerel; yoghurt; at mga whole grains, tulad ng brown, red o black rice. Ang mga herbs at spices na turmeric, ginger, garlic, cinnamon at rosemary ay may anti-inflammatory properties din.


Kasama ng diet na ito ang pag-iwas sa mga pagkain na maaaring maging dahilan ng inflammation sa ating katawan, tulad ng asukal at mga refined carbohydrates, karne, pagkaing mayaman sa trans at saturated fats, at maalat na pagkain.


Bukod sa nabanggit na health benefits ng anti-inflammatory diet ay makatutulong ang diet sa mga indibidwal na may psoriasis, asthma at depression. Makababawas din ito ng pananakit ng katawan, pamamaga ng joints, pangangati at madaling pagkapagod.


Tandaan, ang kakulangan sa tulog at exercise at ang stress ay dahilan din ng chronic inflammation, kaya makabubuting matulog ng 8 hanggang 9 na oras sa gabi, mag-exercise ng 30 minuto limang beses isang linggo at umiwas sa stress. Lahat ng ito ay makatutulong sa pag-iwas sa sakit habang tayo ay tumatanda.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page