ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 6, 2021
Dear Doc Erwin,
Kamakailan, ang aking apo ay nagbigay ng suhestiyon na ako ay uminom araw-araw ng MCT Oil. Ito raw ay makatutulong na makaiwas sa dementia. Ginagamit ng aking apo ang MCT Oil sa kanyang keto diet. Dahil ako ay mahigit 70-anyos na ay iniisip ko na sundin ang suhestiyon ng aking apo. Makatutulong nga ba ang MCT Oil sa akin upang makaiwas sa dementia? Mabuti ba ito sa kalusugan ng may edad na, na katulad ko? – Agripina C.
Sagot
Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Maganda ang inyong katanungan dahil sa inyong edad ay may mga ilan na nagkakaroon ng dementia at ang kadalasang dahilan nito ay ang Alzheimer’s Disease. Ayon sa Mayo Clinic, mayroong 50 milyon katao sa buong mundo ang may dementia at 60% to 70% sa kanila ay may Alzheimer’s Disease.
Ang maagang sintomas ng dementia dahil sa Alzheimer’s Disease ay pagkakalimutin at nahihirapan mag-concentrate at mag-isip. Ang dating mga routine activities ay nagiging mahirap gawin. Nagkakaroon din ng behavioral changes, tulad ng depresyon, mapag-isa at hindi mapagkatulog.
Sa pag-aaral na inilathala noong April 30, 2020 sa International Journal of Molecular Sciences, isang dahilan ng pagkakaroon ng Alzheimer’s Disease ng mga nakakatanda sa atin ay ang tinatawag na “diabetes of the brain” o “Type 3 diabetes” o T3D kung saan nagkakaroon ng insulin resistance ang ating utak, kaya’t hindi nito nagagamit ang glucose bilang fuel. Dahil dito ay nagkakaroon ng inflammation at oxidative stress ang ating mga brain cells na nagiging sanhi ng pagkamatay nito at pagkakaroon ng dementia.
Ayon sa pag-aaral na nabanggit, ang ilang mga risk factors sa pagkakaroon ng Type 3 Diabetes ay ang stress, poor diet, family history at physical inactivity. Maaari rin maging dahilan ang pagkakaroon ng high blood pressure.
Sa research na inilathala noong August 2019 sa scientific journal na Nutrients sinabi ng mga siyentipiko na bukod sa glucose ay gumagamit din ang ating utak ng ketone bodies bilang fuel or source of energy at ang paggamit ng ketones ng ating utak ay patuloy bagama’t may Alzheimer’s Disease na. Dahil dito ay nakitaan ng mga doktor ng kahalagahan ang ketones at maaring makatulong ito sa pag-iwas o makatulong ito sa mga maysakit na Alzheimer’s Disease.
Kaugnay dito ay sinabi ni Dr. James Galvin sa isang artikulo na lumabas noong 2013 sa isang clinical journal na Practical Neurology na halos 24 porsiyento ang nababawas sa paggamit ng glucose ng utak sa mga indibidwal na may Alzheimer’s Disease. Ayon sa kanya, makikita ang pagbaba ng paggamit ng glucose ng mga specific na parte ng utak ilang dekada bago pa magkaroon ng sakit na Alzheimer’s Disease.
Sinabi rin ni Dr. Galvin na hanggang sa 60 porsiyento ng energy requirements ng utak ay maaaring makuha sa ketones kaya’t ang Ketone Supplementation therapy ay maaaring gamitin sa mga indibidwal na may Alzheimer’s Disease o dementia. Ang Medium Chain Triglycerides (MCT) oil at Virgin Coconut Oil (VCO) ay maaaring gamitin bilang source ng ketones.
Ang MCT Oil ay nanggagaling sa coconut or palm kernel oil. Dahil ito ay medium chain triglycerides, ito ay madaling ma-digest, ma-absorb at ma-convert to ketones sa liver (atay). Ang ketones ay nagagamit agad ng ating katawan as energy source. Ito ang dahilan kung bakit karaniwang gianagamit ng mga atleta, bodybuilders at sports enthusiasts ang MCT Oil bago mag-ehersisyo o bago lumahok sa kompetisyon.
Bukod sa mga nabanggit na gamit ng MCT Oil ay ginagamit din ito sa mga preterm infants, upang gamutin ang skin infections, at sa ketogenic diet upang bumaba ang insulin level at makatulong sa pagbaba ng timbang.
Kasama ng mga established treatment modalities, ang MCT Oil ay ginagamit din ang mga doktor sa panggagamot ng mga pasyenteng may digestive problems, may Type 1 at Type 2 diabetes, sa mga batang may autism at epilepsy na hindi napapagaling ng karaniwang gamot.
Sana ay nasagot ng artikulo na ito ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments