ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 28, 2024
Noong February 26, 2024 ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Republic Act (R.A) No. 11981 o mas kilala bilang “Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act.”
Ito ay upang bigyang katuparan ang polisiya ng Estado na hikayatin, suportahan, at isulong ang produksyon at pag-aalok ng mga produkto at serbisyo ng Pilipinas, alinsunod sa Seksyon 1, Artikulo XII, ng ating Saligang Batas. Dito ay binibigyang-diin ang pagtataguyod ng industriyalisasyon at ganap na trabaho ng mga industriya na gumagamit ng buo at mahusay na yamang tao at likas na yaman, na makakasabay sa parehong lokal at dayuhang merkado.
Kaugnay nito, para magkaroon ng pagpapahalaga sa mga produkto at serbisyo ng Pilipinas, at upang matiyak ang sapat at matatag na supply ng mataas na kasanayan at adaptive workforce, dapat paunlarin at itaguyod ng Estado ang kaalaman, kasanayan, talino, pagkamalikhain, at pagiging makabago ng mga manggagawang Pilipino, negosyante, at mga propesyonal. Marapat din na itaguyod at pangalagaan ng Estado ang kalidad ng mga produkto at serbisyo ng Pilipinas sa parehong lokal at pandaigdigang pamilihan, bilang paraan para mahikayat ang paglago ng ekonomiya at kumpiyansa ng mamimili at negosyo sa mga industriya ng bansa.
Upang bigyang katuparan at gawing epektibo ang hangarin ng “Tatak Pinoy Act,” nilikha ang Konseho ng Tatak Pinoy (“TP Council”). Ito ay pangungunahan ng secretary of Trade and Industry bilang chairperson, secretary of the National Economic and Development Authority (NEDA) at secretary of Finance, bilang mga vice-chairperson. Ang secretaries of Agriculture, Budget and Management, Information and Communications Technology, Interior and Local Government, Labor and Employment, Science and Technology at apat na private sector representatives ang mga magsisilbing miyembro ng TP Council. Ang mga kinatawan ng pribadong sektor ay hihirangin ng pangulo ng Pilipinas sa loob ng tatlong taon, at maaaring muling mahirang ng isang beses lamang, mula sa mga nominado na isinumite ng mga kilalang grupo ng negosyo, institusyong pang-akademiko, o mga asosasyon na may pambansang representasyon. Subalit, upang ganap na makamit ang mga layunin ng batas na ito, ang pangulo ay magkakaroon ng kapangyarihan na palawigin ang mga miyembro ng pampublikong sektor ng konseho ng TP Council.
Ayon sa Seksyon 7 ng batas na ito, upang makamit ang mga layunin ng batas, ang isang Tatak Pinoy Strategy (TPS) ay dapat buuin, ipatupad, subaybayan, suriin, at patuloy na pagbutihin ng TP Council, nang may pag-apruba mula sa pangulo ng Pilipinas. Dapat balangkasin ng TPS ang mga bahagi ng plano at pagkilos para sa bansa, at sa mga rehiyon, lalawigan, lungsod, at munisipalidad, upang unti-unti at sistematikong palawakin at pag-iba-ibahin ang mga produktibong kakayahan ng mga lokal na negosyo. Ang layunin nito ay bigyan sila ng kapangyarihan upang makagawa at makapag-alok ng lalong magkakaiba at sopistikadong mga produkto at serbisyo, at kakayahan na makipagkumpitensya sa pandaigdigang pamilihan.
Upang maisakatuparan ang layunin ng batas na ito ay iniatas ng Kongreso, sa ilalim nitong batas na nabanggit, ang pagkakaroon ng domestic preference sa government procurement sa mga produkto ng Pilipinas sa loob ng 10 taon. Sa Seksyon 12 ng nabanggit na batas ay nakasaad ang mga sumusunod:
For a period of ten (10) years, preference and priority shall be given to Philippine products and services in sectors and economic activities covered by the prevailing TPS: Provided, That the preference and priority for Philippine products shall be guaranteed upon all levels of the procurement process, including raw materials, ingredients, supplies or fixtures: Provided, further, That within fifteen (15) days upon effectivity of this Act, the TP Council shall issue a list of Philippine products and services that shall be immediately given preference and priority pending the formulation of the TPS: Provided, furthermore, that the preference herein established may be waived should any of the following conditions be present:
(a) Where domestic production is insufficient or unavailable in the required commercial quantities;
(b) Where the specific or desired quality is not met;
(c) Where domestic, preference will result in inconsistencies with the Philippines' obligations under the international agreements; or
(d) Other analogous circumstances.
Para sa mga produkto at serbisyong hindi saklaw ng umiiral na TPS, ang lahat ng ahensya at instrumentalidad ng gobyerno ay dapat na mahigpit na sumunod sa mga tuntunin sa kagustuhang lokal na itinatadhana sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9184 o mas kilala bilang “Government Procurement Reform Act”, at ang mga tuntunin at regulasyon sa pagpapatupad nito.
Yorumlar