ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 5, 2023
Sa panahon ngayon na laganap ang pagnanakaw ng personal na impormasyon sa online at kakulangan sa data privacy sa internet, nakababahala ang sinabi mismo ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary John Ivan Uy, na kulang ang cybersecurity experts natin sa bansa upang masawata ang cybercriminals. Sinabi ng kalihim na meron lamang tayong 200 certified cybersecurity experts kung ikukumpara sa 3,000 ng Singapore.
Kaya plano ng DICT ang pag-aalok ng short-course training programs para sa mga nalilinya sa industriyang ito, kabilang na ang software engineers.
Ang suhestiyon ng inyong lingkod, simulan sa basic education ang pagtuturo ng mga kaalaman tungkol sa cybersecurity.
Kamakailan ay iniulat ng cybersecurity company na Kaspersky Security Network na noong 2021, mahigit 50 milyong web threats ang napigilan sa Pilipinas na pang-apat sa mga bansang itinuturing na top targets ng mga cybercriminals. Lumabas din sa naturang ulat na ang mga cyberthreat sa bansa ay umakyat na sa 433 porsyento mula 2017 hanggang 2021.
Kailangan din nating maitaas ang enrollment rate sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) sa senior high school na posible ring pagmulan ng future cybersecurity experts. Meron lamang 612,857 na mga mag-aaral sa senior high school sa STEM o katumbas lamang ng 16 porsyento ng senior high school enrollment.
Pagdating halimbawa sa coding, naniniwala ang inyong lingkod na dapat ituro ito sa junior high school para magkaroon ng karanasan ang ating mga mag-aaral at pagdating nila sa senior high school, maaari na silang makagawa ng mga mas advanced o komplikadong gawain pagdating sa larangan ng cybersecurity. Sa kolehiyo, maaari na silang magkaroon ng specialization.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, inihain natin ang Senate Bill No. 476 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act na naglalayong magpatayo ng math and science high school sa lahat ng probinsya sa bansa.
Sama-sama nating isulong ang paghubog sa mas marami pang magiging eksperto ng cybersecurity at simulan natin sa basic education.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
留言