top of page
Search
BULGAR

Kaalaman sa benepisyo sa pagkakasakit o sickness benefit ng miyembro ng SSS, alamin!

@Buti na lang may SSS | August 2, 2020


Magandang araw! Na-confine ako noong May 25 hanggang June 2, 2020 sa isang ospital sa Valenzuela at naputulan ako ng tatlong daliri sa kanang paa. Binigyan ako ng 90 araw ng doktor ko bilang recuperating days ko ngunit ang inapruban ng SSS ay 30 araw lamang. Sa ngayon ay halos 60 araw na akong hindi nakakapasok. Ano ang maaari kong gawin dahil 30 araw lang ang sickness benefit ko? – Gilbert


Sagot


Mabuting araw, Gilbert! Ang sickness benefit o ang benepisyo sa pagkakasakit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan.


Upang makuwalipika sa nasabing benepisyo, dapat nagkasakit ka ng hindi kukulangin sa apat na araw at may hindi bababa sa tatlong (3) buwanang kontribusyon sa loob ng huling 12 buwan bago ang semestre ng iyong pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Sa iyong kaso, ang semestre ng iyong pagkakasakit ay mula Enero hanggang Hunyo 2020. Hindi natin isasama sa bilang ng komputasyon ang mga hulog mo sa panahong ito dahil kailangang bumilang tayo ng 12 buwan pabalik mula Enero hanggang Disyembre 2019. Kung may hulog ka rito na tatlong buwan, kuwalipikado ka sa sickness benefit.


Kung empleyadong tulad mo, kailangang naipagbigay-alam mo ito sa iyong employer sa loob ng limang araw at siya naman sa SSS sa loob din ng limang araw upang ikaw ay mabayaran ng benepisyong ito. Kailangan naman dito ang pagpasa ng Sickness Notification Form na maaaring i-download sa SSS website, www.sss.gov.ph.


Dapat nagamit na rin niya ang lahat ng kanyang kasalukuyang company sick leaves.


Kung ang miyembro naman ay self-employed o voluntary member, ang direktang aabisuhan niya ay ang SSS.


Ang halaga ng sickness benefit ay batay sa bilang ng araw na naaprubahan ng SSS. Makikita ang aprubadong bilang ng araw sa Sickness Notification Form na ibabalik ng SSS. Ang bilang naman ng aprubadong araw ay nakadepende sa pagsusuri ng doktor ng SSS kaya may pagkakataong hindi ito tugma sa bilang ng araw na inirekomenda ng personal na doktor ng miyembro.


Maaari ka ulit mag-file ng sickness benefits kung hindi ka patuloy makapagtrabaho bunga ng iyong karamdaman. Sa loob ng isang taon, maaaring mapagkalooban ang isang miyembro ng sickness benefit na katumbas ng hanggang 120 araw. Gayunman, kung mauubos mo ang 120 days at patuloy na hindi ka pa rin makapagtrabaho, makalipas ang 240 araw ay maaari ka ng mag-apply sa ilalim ng disability benefit.


Ang benepisyo sa pagkabalda naman ay ibinabayad sa isang miyembro na nawalan ng kakayahang magtrabaho o ang kanyang kakayahang kumita ay nabawasan dahil sa isang kapansanan na sanhi ng karamdaman o pagkapinsala.


Isasailalim ka sa pagsusuri ng mga doktor ng SSS upang malaman kung ang iyong pagkabalda ay kuwalipikadong mabigyan ng nasabing benepisyo. Ilan sa halimbawa nito ay ang pagkaputol ng daliri, kamay, braso, binti na may kaukulang bilang ng buwan ng pagtanggap ng benepisyo ng miyembro. Maaaring mabigyan ka ng disability pension o lump sum amount depende sa bilang ng iyong hulog sa SSS.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa aming Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa aming YouTube channel sa “Philippine Social Security System.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page