ni Jasmin Joy Evangelista | February 24, 2022
May kapangyarihan umanong ipatigil ng labor secretary ng bansa ang kontraktuwalisasyon, ayon kay presidential aspirant at labor leader na si Leody de Guzman nitong Miyerkules.
Ayon kay De Guzman, sa nakalipas na 30 taon ay hindi nagawa ng mga naging labor secretaries ng bansa na ipatigil ang kontraktuwalisasyon dahil sa impluwensiya ng mga kapitalista o dahil sa paniniwala na makikinabang ang mga mamamayan kapag binuhay ang mga negosyante.
“Simple lang ‘yan. May kapangyarihan ang Department of Labor, ‘yung secretary of labor to restrict or prohibit ‘yang sistemang ‘yan,” ani De Guzman sa forum na inorganisa ng University of Santo Tomas.
“Isang order lang ng secretary of labor na i-prohibit ‘yang contractualization ay mawawala na. Hindi nga lang ginagawa dahil ‘yung mga nakaupong gobyerno, mula noon hanggang sa ngayon, ay nasa bulsa ng kapitalista or naniniwala sa idea na pagka binuhay mo ‘yung mga negosyante, ‘pag napuno ‘yung bulsa nila, aawas, at makikinabang ang bayan, makikinabang ang mamamayan,” giit niya.
Gayunman, sinabi ni De Guzman na hindi naman nababawasan ang yaman ng mga kapitalista.
“Hindi naman umaawas dahil lumolobo ‘yung mga bulsa nila. Habang nilalagyan mo ng tubo nila, lumolobo nang lumolobo. Kaya walang tumagas. Hindi nag-trickle. Kaya walang nakinabang—napakinabangan ng mamamayan,” paliwanag niya.
Sakali raw na manalo siya sa pagka-pangulo, ipag-uutos niya na pabilisin ang pagtatapos ng kontraktuwalisasyon sa bansa.
“Kaya simple lang ‘yan. Order lang ng secretary of labor o kung hindi, kung nagmamadali ako — dahil sa ilalim ko ‘yan, kung ako ay presidente — maglalabas lang ako ng executive order,” aniya.
Bukod sa planong tapusin ang kontraktuwalisasyon, nais din umano ni De Guzman na magpatupad ng 20-percent wealth tax sa top 500 na pinakamayaman sa bansa upang mapigilan ang inequality gap sa pagitan ng mayaman at mahirap.
Si De Guzman ay tumatakbo sa ilalim ng Partido Lakas ng Masa kasama si Walden Bello bilang kanyang vice president.
コメント