ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 20, 2022
Naitakas ni Pinay jungolfer Monique Arroyo ang mga titulo ng dalawang paligsahan sa Southern California Junior Golf Tour ngayong Hulyo sa Long Beach, California.
Swak naman sa unang 10 performers si Kamilla Edriana Del Mundo sa Girls Under 6 bracket ng IMS Academy Junior World Championships sa Torrey Pines, California upang bahagyang maramdaman ang lakas ng Pilipinas sa pagtitipon. Pumangpito si Del Mundo sa pangkat pero bukod dito ay wala nang iba pang bahagi ng Team Pilipinas ang nagmarka sa karera sa indibidwal na karangalan.
Sa kabilang dako, nalampasan ni Justin Delos Santos ang hamon ng pagiging bagito sa pinakamatandang major golf event sa kasaysayan - ang British Open - nang kalmante nitong malusutan ang cutoff score para makatawid sa weekend play at tuluyàng magkapagbulsa ng pakonsuwelong $31,638 sa pagtatapos ng torneo. Nakakuha ng pasaporte ang Pinoy parbuster sa prestihiyosong kompetisyon matapos niyang pumang-apat sa isang torneo sa mabagsik na Japan Golf Tour.
Samantala, inalat sina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina sa kanilang pinakahuling sabak sa Ladies' Professional Golf Association matapos na maitsapuwera sa homestretch ng Dow Great Lakes Invitationals Midland, Michigan dahil sa lumobong iskor. Sumemplang sa pang-40 na baytang si Pagdanganan habang sadsad naman sa pang-45 na baytang si Ardina.
Hinirang na pinakamabangis si Arroyo sa Scholl Canyon Summer Championships na nasaksihan sa fairways ng Scholl Canyon Golf Club sa Glendale, California. Nagsumite ang pambato ng Pilipinas ng 62 sa 3,004 yardang palaruan. Malayong segunda si local pride Aya Ave dahil sa iskor nitong 69.
Comments