Jungkook nagpabida sa Classic Cup Crown
- BULGAR
- Apr 2, 2024
- 2 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 2, 2024
Nagpasikat sa mga karerista ang Jungkook matapos nitong sikwatin ang korona sa 2024 PHILRACOM "Classic Cup" race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Nirendahan ni veteran jockey Mark Angelo Alvarez, nasa pang-anim na puwesto sa largahan ang dehadong Jungkook habang nagbabanatan sa unahan ang Boss Emong at Istulen Ola.
Nanood sa tersero puwesto ang matikas din na Don Julio habang nasa pang-apat at pang-lima ang War Cannon at Jaguar ayon sa pagkakasunod.
Nagkapanabayan sa unahan ang Boss Emong, Istulen Ola at Don Julio sa kalagitnaan ng karera habang naka-permis sa pang-anim ang Jungkook.
Papalapit ng far turn ay kumuha na ng bandera ang Don Julio, unti-unti nitong nilalayuan ang Boss Emong at Istulen Ola pero ang Jungkook ay kumuha naman ng pang-lima at malakas ang dating nito papalapit sa unahan.
Kaya naman pagdating sa rektahan ay bakbakan na sa unahan ang Don Julio at si Jungkook at sa huling 50 ng karera ay nakuha na ng winning horse ang unahan at tinawid nito ang meta ng may kalahating kabayo ang agwat.
Inirehistro ng Jungkook ang tiyempong 1:53. 4 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Tisha Sevilla ang P1,080,000 premyo habang nakopo ni second placer na Don Julio ang P405,000.
Tesrerong dumating sa finish line ang Jaguar na nagbulsa ng P225,000 habang pumang-apat ang Istulen Ola na nagkasya sa P90,000 consolation prize.
Nakasikwat din si Hermie Esguerra ng Esguerra Farms & Stud Inc., ang breeder ng nanalong kabayo ng P90,000 habang tig-P54,000 at P36,000 ang second at third.
Samantala, siyam na races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kabilang ang tatlong Classic Cup I, II, at III stakes races kaya masaya ang pangangarera ng mga karerista.
Pinakawalan ang karerang pinagwagian ni Jungkook sa Race 5 habang ang Classic Cup II at III ay inilarga sa races 4 at 3 ayon sa pagkakasunod, lahat ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Comments