top of page
Search
BULGAR

Jr L'weight Defense ni Berchelt naunsiyami dahil sa COVID-19

ni Gerard Peter - @Sports | November 9, 2020




Mauudlot pansamantala ang mungkahing pagtatapat nina WBC junior lightweight titleholder Miguel “The Scorpion” Berchelt ng Mexico at mandatory challenger Oscar Valdez sa Disyembre 12 matapos magpositibo sa novel coronavirus disease (Covid-19) ang champion Mexican boxer.


Inihayag ng boxing writer na si Salvador Rodriguez mula sa ESPN na nagpositibo ang 28-anyos mula Cancun, Quintana Roo, Mexico-native matapos magpakuha ng testing nitong linggo. Sumasailalim ngayon sa quarantine si Berchelt (37-1-1, 34KOs) sapul ng magpositibo.


Ang tapatan nina Berchelt at wala pang talong si Valdez (28-0, 22KOS) ang isa sa mga pinakanananabikang bakbakan sa pampalakasan dahil sa mataas na knockout percentage ng dalawa, gayundin ang bitawan ng mga suntok at estilo ng pakikipaglaban na tiyak na inaabangan ng karamihan. Nakatakda sanang maganap ang kanilang 12-round title fight showdown sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada sa Estados Unidos, na pangunahing ilulunsad ng Top Rank at ipapalabas sa ESPN.


Muling idedepensa ng The Ring No.1 contender sa 130-pounds ang kanyang titulo sa WBC sa ikapitong sunod na pagkakataon laban kay Valdez sapol ng mapanalunan niya ito kay Francisco Vargas sa pamamagitan ng 11th round TKO victory noong Enero 28, 2017 sa Fantasy Springs Casino sa Indio, California. Matagumpay na naipagtanggol nito ang titulo kina Takashi Miura ng Japan, Maxwel Awuku ng Ghana, Jonathan Victor Barros ng Argentina, Miguel Roman at muli kay Vargas ng Mexico at 4th round KO win kay Jason Sosa noong Nobyembre 2, 2019. Nagkaroon naman ito ng laban na hindi pinahihintulutan ng Mexico City Boxing Commission dahil sa Covid-19 pandemic restrictions nitong Hunyo 27, 2020 laban kay Eleazar Valenzuela ng Mexico na nagresulta sa 6th round TKO sa Mexico City.


Ang dating 2008 Guadalajara AIBA Youth World Boxing Featherweight Champion at World Amateur Championships bronze medalists na si Valdez ay huling sumabak nitong Hulyo 21, 2020 laban kay Jayson Valdez ng Puerto Rico via 10th round TKO sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.


Napagdesisyunan ng 29-anyos na Nogales, Sonora, Mexico-native na bitawan ang kanyang WBO featherweight title para umangat sa super-featherweight kung saan matagumpay na pinatumba nito si American Adam Lopez via 7th round stoppage noong Nobyembre 30, 2019.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page