ni Anthony E. Servinio @Sports | June 9, 2023
Laro sa Sabado – Kaseya Center
8:30 a.m. Denver vs. Miami
Patuloy ang pamamayagpag ng bisitang Denver Nuggets at binigo ang Miami Heat, 109-94, sa Game 3 ng 2023 NBA Finals kahapon sa Kaseya Center. Umakyat ang Nuggets sa seryeng best-of-seven, 2-1, sa gitna ng hindi makakalimutang inilaro nina Nikola Jokic at Jamal Murray.
Si Jokic ang unang manlalaro na nagtala ng 32 puntos, 21 rebound at 10 assist sa Finals, isang marka na hindi naabot ng mga alamat na sentro ng liga. Triple double din si Jamal Murray na 34 puntos, 10 rebound at 10 assist upang bumawi sa mahinang ipinakita noong Game 2.
Mula sa gitgitan na first half na nakuha ng Denver, 53-48, kumilos ang Nuggets sa third quarter at tinambakan ang Heat sa likod ng 12 puntos ni Jokic at hindi inaasahang anim mula sa rookie Christian Braun. Hindi pa tapos si Braun at nagbagsak ng limang sunod na puntos upang ibigay sa Nuggets ang pinakamalaking 93-72 agwat at magtapos na may 15 puntos.
Nakakuha ng 28 puntos ang Miami mula kay Jimmy Butler at 22 puntos at 17 rebound kay Bam Adebayo. Malaking bagay ang nalimitahan si Gabe Vincent sa 7 puntos lang matapos magtala ng 19 at 23 sa unang dalawang laro ng serye.
Hahanapin na ng Denver ang 3-1 lamang sa Game 4 ngayong Sabado sa parehong palaruan. Mahalaga para sa Miami na ipagtanggol ang kanilang tahanan dahil hindi nila kakampi ang kasaysayan at 13 beses pa lang nakabangon ang isang koponan mula sa 1-3 at agawin ang serye.
Kommentare