ni Melba R. Llanera @Insider | November 12, 2023
Sa eksklusibong panayam namin kay JM de Guzman sa thanksgiving press conference ng Linlang, ipinaliwanag sa amin ng Kapamilya actor na ang gamot na iniinom niya para sa kanyang mental health ang rason kaya nadagdagan ang kanyang timbang.
Bina-bash kasi ngayon si JM dahil sa paglobo nito sa screen kung saan naging biktima ito ng body shaming ng ilang netizens.
Ayon kay JM, kailangan niyang bantayan ang kanyang diet at inumpisahan na rin niyang bumalik sa pagwo-workout.
Nagpapasalamat din ang Linlang actor na buo ang suporta sa kanya ng nililigawan niyang si Donnalyn Bartolome at nagsabi nga ito sa kanya na guwapo pa rin siya at walang dapat ipag-alala.
Papuri nga ng Kapamilya actor, mabait at suportado ni Donnalyn kung anuman ang gusto niyang gawin.
Bukod sa body shaming, may ilan ding negatibong komento na natatanggap si JM mula sa ilang netizens na nagsasabi naman na 'di bagay sa kanya ang role bilang abogado.
Positibo naman itong tinatanggap ni JM, maging ang iba pang panlalait sa kanya at nagsisilbi itong hamon para mas pagbutihan pa niya ang pag-arte at preparasyon sa tuwing haharap siya sa kamera at gagampanan ang kanyang role bilang Atty. Alex Lualhati.
Labis din ang pasasalamat ni JM na nag-No. 1 top pick sa Prime Video Philippines ang first streaming day ng Linlang at nasa Top 10 sa Prime Video at sa Amazon Prime sa iba't ibang bansa na ipinapalabas ang serye. Para kay JM ay masarap ito sa pakiramdam dahil nakikita nila ang lahat ng mga pinaghirapan ng cast ng Linlang.
Nalalapit na ang pagtatapos ng Linlang at talagang kapit na kapit dito ang mga manonood sa iba't ibang parte ng mundo. Marami nga ang humihiling na mapanood sana ito sa Kapamilya channel, TV5 at A2Z dahil sa magandang istorya nito at husay ng lahat ng cast mula kina Maricel Soriano, Paulo Avelino, Kim Chiu, JM de Guzman, Kaila Estrada, at iba pa.
Comments