ni Gerard Arce @Sports | June 27, 2024
Pilit na kinarga ni World Combat Games champion Jenna Kaila Napolis ang PHL National Jiu-jitsu squad nang makuntento sa 4 na pilak at 3 tansong medalya, subalit naiahon ng Youth Team ang grupo sa pambihirang 7 golds at 2 pilak at 3 tanso sa Youth/Newaza categories sa katatapos JJIF Thailand Open Grand Prix 2024 sa Bangkok, Thailand.
Nakuntento sa pilak na medalya ang 2023 SEA Games champion sa Adult-Female U-52kgs matapos mahigitan ni South Korean grappler Im Eon Ju sa advantage point sa 2-2 iskor. Nauna munang nahigitan ang 19th Hangzhou Asian Games bronze medalist nina Nguyen Khanh Linh ng Vietnam sa iskor na 6-0 sa preliminaries, Singchalad Nuchanat ng Thailand (5-0), at Alhosani Asma ng UAE.
Naka-silver medal si Dylan Valmores sa adults jiu-jitsu female +70kg ng yumuko kay Thi Thanh Truc Nguyen ng Vietnam; Andrea Lao sa female U-63kgs nang mabigo kay Sung Ki Ra ng South Korea at Mabel Arevalo U-70kg class.
Nakuntento si two-time World champion at Asian Games gold medalist Meggie Ochoa sa bronze medal sa Adults Female U-48kgs, habang naka-tanso sina Dean Roxas at Baby Jhen Buzon sa male minus-85kg at fighting female U-48kg.
Natabunan ng mahusay na performance ng Philippine Jiu-jitsu Youth team ang hindi gaanong magandang pagpapakita ng National squad matapos pumilipit ang mga ito ng 7 ginto na sina Mara Salinas sa U16 girls -52 kgs; Zeus Babanto sa U16 boys +77kg, Eavan Marcus Chang sa U16 boys -40kg; Chase Mapalo sa boys U16 -62kg, Sachi Khonghun sa U18 girls -52 kg, Earth Chang sa boys U18 -56kg at Vito de Luzuriaga sa U18 boys -85 kg class.