ni Gerard Arce @Sports | April 2, 2024
Muling ibinalik sa mapa ng mundo ni two-time World champion Melvin “Gringo” Jerusalem ang Pilipinas matapos matakasan ang dating kampeon na si Yudai Shigeoka ng Japan sa bisa ng 12-round split decision para sa World Boxing Council (WBC) minimumweight title, Linggo ng gabi sa International Conference Hall sa Nagoya, Aichi, Japan.
Naging malaking sandalan ni Jerusalem ang nakuhang dalawang knockdown sa third at 6th rounds upang mapagdesisyunan ng mga huradong sina Jae Bong Kim ng South Korea at Barry Lindenman ng US na ibigay ang iskor na 114-112, habang nakita ng huradong si Malcolm Bulner ng Australia ang 113-114 para kay Shigeoka upang biyayaan ang Pilipinas ng panibagong kampeon.
Ito ang ikalawang panalo ni Jerusalem (22-3, 12KOs) sa bansang Japan matapos nitong kunin ang naunang titulo na World Boxing Organization 105-pound title belt noong Enero 6 noong isang taon matapos patumbahin si Japanese boxer Masataka Taniguchi sa bisa ng 2nd round TKO sa EDION Arena, Osaka Prefectural Gymnasium sa Osaka, Japan.
Gayunman, eksakto rin ang buwelta ni Jerusalem sa dating Japanese champion na si Yudai (8-1, 5KOs) para sa unang pagkatalo nito matapos mawala sa mga kamay ang WBO titulo laban kay reigning titlist Oscar “El Pupilo” Collazo ng Puerto Rico noong Mayo 27, 2023 sa Fantasy Springs Casino sa Indio California sa Amerika na nagresulta sa 7th-round technical knockout kasunod ng problema sa pagbabago ng klima at panahon sa Amerika.
Naging malaking tulong din para sa 30-anyos na tubong Manolo Fortich, Bukidnon ang dalawang knockdowns na nakuha sa third at 6th round dulot ng parehong kanang straight na suntok. Sa unang patama ni Jerusalem ay nakakuha ito ng eksaktong patama dulot ng right counter, habang bumitaw din ito ng kanang banat sa mainit na palitan sa ika-anim para sa ikalawang tumba na parehong nalampasan sa bilang ni referee Steve St. Germain.
Comments