ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | September 17, 2023
Kamakailan ay kinilala ng James Dyson Award ang pocket microscope na naimbento ni Jeremy De Leon, isang 28-year-old Manufacturing Engineering graduate mula sa Mapua University.
Sinlaki lang ng isang keychain, tinawag niya itong Make-roscope at sa tulong ng isang smartphone o tablet, kaya nitong ma-magnify ang mga organismo hanggang 400 na beses.
Naungusan ni Jeremy ang 47 entries mula sa 12 universities sa bansa at ngayon ay sasabak ang kanyang imbensyon sa international stage ng nasabing kumpetisyon.
☻☻☻
Ipinagmamalaki natin ang imbensyon na ito dahil nagsimula itong buuin noong kasagsagan ng pandemya at dahil na rin sa Innovator Challenge ng Department of Science and Technology (DOST) sa kanilang TikTok account.
Pagkatapos manalo sa TikTok contest, patuloy na sinuportahan ng DOST ang imbensyon ni Jeremy para lalo pa itong ma-develop at maging kapaki-pakinabang.
Pinondohan ng Technology Application and Promotion Institute of the Department of Science and Technology (DOST-TAPI) ang pilot production nito kasama na rin ang pagbili ng raw materials, assembly, packaging, distribution, pati na ang testing hanggang makapasa sa mga governing bodies.
☻☻☻
Pinatunayan lamang nito na hindi kulang sa talento ang mga inventors at scientists sa ating bansa. Kailangan lang nila ng karampatang suporta lalo na mula sa ating pamahalaan.
Isa ang inyong lingkod sa nagsulong sa Provincial Science and Technology Office Act o Republic Act No. 11914 na naisabatas noong nakaraang taon.
Layon nitong palakasin at pabilisin ang pagtugon at paglipat ng mga kinakailangang teknolohiya at serbisyo sa bawat probinsya sa buong Pilipinas.
Sa tulong ng batas na ito, umaasa tayong lalo pang dadami ang mga innovators na gaya ni Jeremy at patuloy ang pag-usbong ng science and technology sa bansa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comentarios