ni Reggee Bonoan @Sheet Matters! | January 22, 2023
Trending sa social media ang cover story ng mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado bilang sila rin ang cover sa Modern Parenting na bagay sa kanila bilang blended family dahil may kani-kanya silang anak bago sila ikinasal at ngayon ay may sariling anak na, si Baby Dylan.
Na kay Jennylyn ang kustodiya sa anak nila ni Patrick Garcia na si Jazz, samantalang kay Calix Andreas na anak ni Dennis sa former beauty queen na si Carlene Aguilar-Ocampo ay co-parenting sila.
Walang problema sina Dennis at Jennylyn sa ganitong sitwasyon dahil bago pa sila ikinasal ay matagal na silang magkasama sa iisang bubong at nakapag-adjust na.
Sabi ni Dennis sa panayam sa kanila ng MP, “Hindi na nila kailangang mag-isip ng iba. A blended family is like a regular and normal family. May mga ibang normal family pero medyo dysfunctional sila. Sa amin, kahit blended kami at modern ang setup, we see to it na masaya ang bawat isa and talagang solid kahit ano pang tawag diyan.”
Ang maganda pa sa mga anak nilang sina Jazz at Calix ay magkapatid talaga ang turingan lalo’t sabay silang lumaki, sabi naman ni Jen.
“Para silang sabay lumaki. Nagkikita sila kahit nu’ng hindi pa kami magkasama sa isang house.”
At ngayong may baby sister na sina Jazz at Calix ay walang naging problema at masaya ang dalawang boys nina Jen at Dennis.
“Feeling ko ngayon pa lang, magiging protective kuya si Calix, lalo na't nag-iisang babae lang.
And malalaki na ang mga kuya niya, so, meron siyang dalawang bodyguards. May dalawa na siyang protector at tagapagtanggol 'pag inaapi siya,” say naman ni Dennis.
Sa pagdidisiplina sa two young boys ay pareho sina Dennis at Jennylyn.
“Disciplinarian ako sa aspeto ng pagpapalaki. Ako ‘yung mas mahigpit. Hindi naman ako naninigaw pero parang mas kinakausap ko sila na parang adult,” paliwanag ng aktres.
Say naman ng aktor, “'Pag kakausapin mo sila, make sure na mas maiintindihan nila.
Straight to the point palagi. Hindi ka magpapaliguy-ligoy. Maging truthful ka at alam nila agad na tama and positive 'yung itinuturo mo sa kanila.”
Dagdag pa ni Jennylyn, “Meron sa mga bata na critical stage, the formative years, ito ‘yung dapat nila, kailangang tutukan at gabayan. Kailangan nilang bigyan ng time kahit sobrang busy nila.”
At dahil may Baby Dylan na ay tutok si Jennylyn sa pag-aalaga, bagay na hindi niya na-enjoy noon sa panganay niyang si Jazz.
Aniya, “Mas binibigyan ko pa ng time ‘yung motherhood, si Dylan, and ‘yung family. Nu’ng first time ko magkaroon ng baby, si Jazz, hindi ko masyadong na-enjoy ‘yung motherhood kasi parang two months pa lang, kailangan ko nang bumalik sa work. So, this time, sabi ko, hindi ko puwedeng gawin iyon ulit. Kailangan ko munang mag-focus sa motherhood.”
Bilang hinto muna sa pagtatrabaho ang aktres simula nang magdalantao siya. Kailangan namang mag-work hard ni Dennis para sa pamilya, bagay na struggle para sa kanya.
“Talagang mahirap kapag mag-isa ka lang, lalo na ‘yung times na buntis si Jen at kailangan kong mag-lock-in. Mahirap dahil inaalala mo ang asawa mo na kailangan din ng kasama at nakaka-guilty na wala ka roon,” pagtatapat ng aktor, na ito ay nu'ng ginawa niya ang seryeng Maria Clara at Ibarra na umeere ngayon sa GMA-7.
Dagdag pa, “Gusto kong makapag-rest nang kaunti at mag-focus sa baby and sa family. Sana magawa ko iyon.”
Sa kasalukuyan ay may dalawang buwan pang ie-enjoy ni Jennylyn ang pag-aalaga sa bunsong si Baby Dylan at kina Jazz at Calix dahil sa Marso ay babalik na siya sa taping ng seryeng Love. Die.
Repeat. na pansamantalang nahinto dahil nabuntis siya.
Ang nasabing serye ay ididirek ni Irene Villamor at produced ng GMA-7.
Comments