top of page
Search
BULGAR

Jeepney drivers, binigyan ng P5 million…PEDICAB DRIVERS, UMAAPELA RIN NG AYUDA KAY WILLIE

ni Melba R. Llanera - @Insider | August 18, 2020




Umaapela ngayon ang mga pedicab drivers na sana ay mabigyan din sila ng pinansiyal na tulong ni Willie Revillame pagkatapos nitong mangako na magbabahagi ng ayudang P5 milyon sa mga jeepney drivers na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.


Tulad nga naman ng mga drayber ng jeep, tigil-pasada rin ang mga pedicab drivers at marami rin sa kanila ang hirap sa buhay at walang maipakain sa kanilang mga pamilya.

Sa darating na August 19 na ipapamahagi ng tv host ang ipinangakong limang milyong pisong donasyon para sa mga jeepney drivers.


Ayon sa panayam ng PEP.ph kay Willie, personal siyang pupunta sa LTFRB Office, makikipagkita sa presidente ng iba't ibang jeepney associations at ipagkakaloob ang P5 milyon at paghahati-hatian ito ng mga drayber.


Lumikha ng kontrobersiya ang isyung ito kung saan na-bash pa si Willie nu'ng unang ipadaan ang pera kay Malacañang Spokesperson Harry Roque. May mga sumugod pa nga sa Wil Tower dahil akala ng ilang jeepney drivers ay du'n kukunin ang ayuda sa kanila.


Labis namang ipinagpasalamat ng mga jeepney drivers ang ipinangakong tulong ng tv host na para sa kanila ay napakalaking biyaya sa panahon ng pandemya.


Bukod dito ay pagkakalooban din ni Willie ng tig-P100,000 ang bawat pamilya ng 4 na OFWs na nasawi sa pagsabog sa Lebanon. May mga binili ring tablets ang tv host na ipagkakaloob naman sa mga estudyanteng kapos sa pera para magamit sa kanilang online classes.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page