top of page
Search
BULGAR

Jazz ni Fil-Am Clarkson, nanambak; Rockets, dinale ng Raptors

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 13, 2021




Bumalik sa aksyon ang mga All-Star ng Utah Jazz at ito ang naging susi sa kanilang 127-96 pagdurog sa bisitang New Orleans Pelicans sa NBA Preseason kahapon mula sa Vivint Arena. Bumalik din sa kanyang papel bilang numero unong reserba si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at malaki ang naitulong sa unang panalo ng Jazz matapos mabigo sa unang dalawang laro.


Lamang ng 30 ang Utah matapos ang tatlong quarter, 95-65, kaya nagpasya si Coach Quin Snyder na ipahinga na sina Rudy Gobert, Donovan Mitchell at Mike Conley. Bumalik sa laro si Clarkson at bumuhos ng walo ng kanyang kabuuang 17 puntos upang itulak ang Jazz sa 103-69 lamang at 10 minuto ang nalalabi bago paupuin sa huling walong minuto.


Namayani sa ilalim si sentro Gobert para sa 19 puntos at 19 rebound habang may 18 si Mitchell at 15 si Conley. Nag-ambag ng 15 puntos si Bojan Bogdanovic at 14 puntos si Eric Paschall. Hindi pinalad ang isa pang Fil-Am sa NBA na si rookie Jalen Green at natalo ang kanyang Houston Rockets sa pagdalaw nila sa Toronto Raptors, 107-92. Limang puntos lang ang nagawa ni Green sa 25 minuto. Bumida para sa Raptors sina OG Anunoby at Precious Achiuwa na parehong may 17 puntos. Sinundan sila ni Malachi Flynn na may 15 puntos buhat sa tatlong tres.


Wawakasan ng Jazz ang kanilang preseason sa pagbisita sa kanila ng World Champion Milwaukee Bucks sa Huwebes. May isa pang laro rin ang Houston sa Sabado kontra sa San Antonio Spurs sa AT&T Center.


Samantala, aabangan ng mga Pinoy sa Texas ang parating na “Filipino Heritage Night” na kasabay ng pagdalaw ng Jazz sa Rockets ngayong Oktubre 29 sa Toyota Center. Maliban sa pagkikita ng dalawang Fil-Am na sina Clarkson at Green, magkakaroon ng mga palabas na itatampok ang mayaman na kultura ng Pilipinas.


Maliban sa Rockets, naunang nagtanghal ng kanilang “Filipino Heritage Night” ang Golden State Warriors. Ang unang Fil-Am sa NBA na si Raymond Townsend ay naglaro ng dalawang taon para sa Warriors mula 1978 hanggang 1980.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page