top of page
Search
BULGAR

Jazz at 76ers, maiinit ang laro, Jokic, hinirang na NBA-MVP

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 10, 2021




Uminit ng todo ang numero unong Utah Jazz sa second half upang itakas ang 112-109 panalo sa Los Angeles Clippers sa Game 1 ng Western Conference semifinals sa 2021 NBA Playoffs kahapon sa Vivint Arena. Matalas ang shooting nina All-Star Donovan Mitchell at Sixth Man Jordan Clarkson subalit depensa ang sumalba sa Jazz.


Pinabayaang lumamang ang Clippers ng 46-32 sa second quarter subalit nagtiyaga ang Jazz hanggang makabawi sa third quarter, 72-71. Umakyat sa 10 ang lamang sa fourth quarter, 103-93, subalit lumapit at nagkaroon ng pagkakataon ipilit ang overtime ngunit tinapal ni Rudy Gobert ang tres ni Marcus Morris Sr. sabay tunog ng huling busina.


Tinumbasan ni Mitchell ang 45 sa kanyang uniporme sa kanyang 45 puntos buhat sa anim na tres. Nagbaon din ng anim na tres si Clarkson para sa 18 puntos habang 18 puntos din si Bojan Bogdanovic upang takpan ang pagliban ni Mike Conley dahil napilay ang hita sa nakaraang serye kontra sa Memphis Grizzlies.


Nanguna sa Clippers si Kawhi Leonard na may 23 puntos at sinundan ni Paul George na may 21 puntos at 10 rebound. Ang Game Two ay nakatakda sa Biyernes sa Utah.


Sinigurado ng Philadelphia 76ers na maiiwasan nilang bumagsak sa 0-2 at tinambakan ang bisitang Atlanta Hawks, 118-102, upang maitabla ang kanilang seryeng best of seven sa East semis sa 1-1. Magandang simula lang kinailangan ng 76ers at ibinuhos ni Tobias Harris ang 16 ng kanyang 22 puntos.


Pumalag ang Hawks at saglit naagaw ang lamang sa third quarter, 80-79, subalit nakabawi agad ng Philadelphia matapos ang tres ni Shake Milton, 82-80. Mula doon ay nagtulungan sina Milton at Joel Embiid upang lalong lumayo ang 76ers sa kanilang pinagsamang 22 puntos.


Nasungkit ni Denver Nuggets center Nikola Jokic ang karangalan bilang 2020-21 NBA Most Valuable Player. Naging starter si Jokic sa 72 games ng Nuggets at may averaged na 26.4 points, 10.8 rebounds at 8.3 assists kada games. Bumubuslo ang Serbian star ng 56.6% sa floor, kasama ang 38.8% sa 3-point range, at sumalpak ng 86.8% sa free throws


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page