ni Mary Gutierrez Almirañez | April 20, 2021
Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng mga bakunang Janssen at Covaxin kontra COVID-19, batay sa inanunsiyo ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. sa ginanap na public briefing kagabi.
Nauna na ring nag-tweet si Indian Ambassador Shambhu Kumaran upang pasalamatan ang ‘Pinas sa iginawad na EUA sa bakuna nilang Covaxin na mula sa Bharat Biotech manufacturer.
Ayon sa tweet ni Kumaran, “Another decisive step in the long battle together against Covid-19.”
Batay sa pag-aaral, ang Covaxin ay nagtataglay ng 92% hanggang 95% na efficacy rate.
Samantala, ang Janssen COVID-19 vaccines nama’y gawa ng Johnson and Johnson, kung saan mahigit 6 milyong doses nito ang binili ng ‘Pinas.
Matatandaang inirekomenda ng U.S Food and Drug Administration (FDA) at Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na ihinto muna ang pagbabakuna ng Janssen dahil sa iniulat na blood clot sa 6 na nabakunahan nito.
Sa ngayon, ang may emergency use authorization (EUA) pa lang na bakuna ay ang Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, CoronaVac ng Sinovac, ang Sputnik V ng Gamaleya Institute at kabilang ang dalawang nadagdag na bakuna.
Comentários