ni Ador V. Saluta @Adore Me! | April 17, 2023
Nakaka-touch naman ang episode ng Magandang Buhay kung saan ibinahagi ni Janine Gutierrez na isa sa mga dahilan kung bakit niya pinasok ang mundo ng showbiz ay para tulungan ang kanyang Yaya Pat na mayroong cancer.
Sa nasabing episode ng programa ay sinorpresa ni Yaya Pat ang Dirty Linen actress.
Sinabi ni Janine sa dalawang momshie hosts na sina Regine Velasquez at Melai Cantiveros na itinuturing niyang pangalawang ina ang kanyang yaya.
"Si Yaya po kasi, hindi pa ako ipinapanganak, siya na po 'yung yaya ko. So, talagang second mommy ko talaga si Yaya. Tapos, nu'ng nag-aaral ako, tinuturuan niya akong gumawa ng homework. Niregaluhan niya ako ng mga dictionaries."
Saksi raw si Yaya Pat sa mga ups and downs ng kanilang pamilya.
"Kahit siyempre, may mga times na mahirap ang buhay, hindi kami iniwan ni Yaya," aniya.
Dahil matagal na sa kanila si Yaya Pat, kung kaya't naisipan na rin ni Janine na akuin ang pagpapagamot sa kanilang kasambahay noong magkasakit ito.
"Actually, mahiyain talaga ako. Hindi ko naman inisip na mag-aartista ako. Pero nu'ng college ako, si Yaya ay nagkasakit. Tapos, parang hindi ako makatulong. So, sabi ko sa mommy ko, 'Ma, gusto ko na mag-artista para may panggamot si Yaya.'"
Dahil sa agarang treatment ay gumaling si Yaya Pat.
"Si Yaya ay isang cancer survivor," sey ni Janine.
Sa panayam naman kay Yaya Pat, nag-worry daw siya sa pamilya nina Janine at sa mga kapatid nito nu'ng malamang may sakit siya.
"Alam mo, nu'ng sinabing cancer ng doctor, hindi ako umiyak. Pero, paglabas ko ru'n sa pasilyo ng St. Luke's, umiyak ako. [Naisip ko] Kawawa naman 'yung mga alaga ko. Baka kapag may ibang mag-alaga, ano, baka sigawan, baka apihin," sabi ni Pat.
Inalala pa ni Yaya Pat kung paano naging sweet and thoughtful sa kanya si Janine noong lumalaki ito.
"Tuwing pagdating galing school, kahit hindi ko birthday, paggising [sabi niya] 'I love you, Yaya. You're the best yaya in the world,' lahat sila," aniya.
Concerned daw siya kay Janine at sa mga siblings nito pagdating sa pag-aaral at hinikayat niya ang mga ito na magpursige at tapusin ang kanilang pag-aaral.
"Sabi ko sa kanila, 'Hanggang ako 'yung nag-aalaga sa inyo, gusto ko, makatapos kayo ng pag-aaral, kasi kung hindi kayo makatapos ng pag-aaral, ibig sabihin, hindi ako magaling na yaya,'" pagtatapat ni Yaya Pat.
Ang anumang diplomang makamit ng kanyang mga alaga ay itinuturing niya bilang pinakamagandang regalo ng mga ito para sa kanya.
Comentarios