ni Reggee Bonoan @Sheet Matters! | February 2, 2023
Kumalat sa social media noong 2022 na si Andrea Brillantes ang gaganap na Dyesebel at sinundan na ang magiging leading man niya ay ang boyfriend niyang si Ricci Rivero.
Walang kumpirmasyon ang ABS-CBN dito pero hindi ba may kasabihan na kapag may usok ay may apoy?
So, meaning, posibleng totoo lalo’t may nalaman din kaming sa 2024 gigiling ang kamera para sa Dyesebel.
Tila hindi alam ng ikalawang anak ng namayapang si Mars Ravelo na si Ginang Roberta Ravelo na si Andrea ang gaganap na Dyesebel, dahil nang tanungin siya sa panayam sa kanya sa Byx Buzz pagkatapos ng Darna finale mediacon ay si Janella Salvador ang sinabi niyang gusto niyang gumanap.
“Si Janella sana kasi mahaba ang katawan niya at binti,” paliwanag ni Gng. Roberta.
Kung ang anak ng yumao ang masusunod ay mas gusto niyang unahin ang Captain Barbell, pero sabi raw ng ABS-CBN Management ay either Lastikman o Captain Barbell.
“Pero sabi nila (ABS-CBN), it's either Dyesebel or Captain Barbell. Kaya lang, ang Dyesebel, limited lang ang story nu’n, eh, sa ilalim lang ng tubig," tumawang sabi ni Gng. Roberta.
Dagdag pa, “Gusto ko sanang lumabas ay si Daniel Padilla at si Kathryn (Bernardo), 'di ba magandang love team ‘yun? Ngayon ikakasal sila, 'di ba? (Kinikilig). Maganda ang maitutulong nila sa Captain Barbell.”
Nakakaaliw ang ginang dahil kahit may-edad na ay updated siya sa love team ng KathNiel.
Pero noong 2012 ay lumabas na sa isang online na TV Network War na plano ng ABS-CBN na si Daniel ang gaganap na Enteng sa Captain Barbell.
Ayon sa nakasulat sa nasabing online site ay bagay kay DJ ang karakter na Enteng na namumulot ng basura dahil patpatin pa siya noon at siya ang alter ego nga ni Captain Barbell.
Matutuloy na nga kaya si Daniel bilang CB?
Pero sa gaganap na Lastikman ay, “Wala pa akong (naisip), sino ba ang komedyante? Ha, ha, ha?”
Hindi ba nanghinayang ang mga anak ni Mars Ravelo na hindi naging pelikula ang Darna na dating plano?
“Okay lang kasi ang pelikula, parang mahina ngayon, 'di ba? Usually, puro TV na ngayon ang mga tao,” saad ni Gng. Roberta.
May plano palang magtayo ng Ravelo Museum para lalong makilala ng publiko ang mga likha ni Mars Ravelo pero hindi natutuloy.
“Meron sana sa Tagaytay kaso hindi matuluy-tuloy, ewan ko ba kung bakit,” saad nito.
Singit ng asawa ni Gng. Roberta, “May problema sa permit kasi ‘yung nakuha nilang lupa (pagtatayuan ng building), agricultural hindi puwedeng i-convert kaya hindi pa naaayos.”
Nabanggit ding may plano ang ABS-CBN na pagsasamahin ang tatlong Superheroes na sina Darna, Captain Barbell at Lastikman sa pagtatapos ng series ni Jane de Leon bilang pasabog.
“'Yun ang plano ng ABS, eh,” pag-amin nito.
Hirit naman ng asawa, “Akala ko nga, gagawin iyon sa huli, eh (episodes ni Darna) dahil nga sobrang dami ng kalaban na Extra. Sabi ko, sobrang dami ng kalaban, baka sumuporta ‘yung iba (superheroes).”
Naikuwento rin ni Gng. Roberta na nakuha ng ABS-CBN ang rights ng Comic book 13 characters na isinulat ni Mars Ravelo tulad ng Varga, Wanted: Perfect Mother.
Ang ibang comic book characters na likha pa ni Mars Ravelo ay ang Bondying, Buhay Pilipino, Dragonna, Flash Bomba, Hiwaga, Jack and Jill, Kapitan Boom, Mariposa, Maruja, Rita, Roberta at Tiny Tony.
Samantala, labis-labis ang pagpapasalamat ng pamilya nina Gng. Roberta sa pamunuan ng Kapamilya Network kasama na ang buong team ng Darna nang tanggapin nila ang official poster ng Darna ni Jane de Leon sa mediacon ng Darna finale mediacon.
“Malaking tulong ang ABS (CBN), maganda ang pagkakagawa compared sa others, so far the best at number one talaga ‘yung Darna,” saad nito.
Mapapanood ang buong panayam ni Ginang Roberta sa Byxbuzz Channel na in-upload sa YouTube.
Comments