ni Mharose Almirañez | October 23, 2022
Nahihirapan ka bang budget-in ang iyong sahod, dahil mas malaki pa ang mga inilalabas mong pera kumpara sa iyong kinikita? I feel you, beshie!
Relate na relate rin tayo sa mga hinaing ni Barbie Forteza bilang Klay sa palabas na “Maria Clara at Ibarra” kung saan tinalakay sa Episode 8 ang kalakaran ng pasahod noon versus ngayon. Aniya, kung may puso, makatao at patas magpasahod ang mga employer, eh ‘di sana’y umaasenso rin ang mga empleyado. Sa mayayaman dapat magsimula ang pagbabago, dagdag pa niya.
Talaga nga namang noon at ngayon ay walang pinagbago ang bulok na sistema sa ‘Pinas. Gayunman, hindi natin dapat isisi sa mga negosyante, mayayaman, politiko at gobyerno ang kahirapan dahil bilang mamamayan, ikaw dapat ang gumawa ng sarili mong kapalaran.
Hindi ‘yung tipong, kada sahod ay bibili ka ng kung anu-ano, tapos kapag naubos na ang sinahod mo, saka mo na naman ibubunton sa gobyerno ang init ng ulo mo. Jusko! Kaya’t bago pa tayo tuluyang mapunta kung saan-saan, narito ang ilang paraan upang kahit paano ay makatipid ka naman sa expenses tuwing nasa trabaho ka:
1. MAGBAON NG PAGKAIN. Huwag kang puro order o pa-deliver ng pagkain dahil mas makakatipid ka sa pagbabaon ng pagkain. Huwag mong ikahiya kung sa lunchbox ka kumakain dahil pare-pareho n’yo rin namang ije-jebs ang mga kinain n’yo pagkatapos. Kaya ano’ng sense? Do you think mas mabango ang jebs nila kapag sa fast food sila kumain, kumpara sa ‘yong naka-lunch box?
2. MAGDALA NG TUMBLER. Sa halip na bumili ng bottled water o brewed coffee ay mag-invest ka sa mga insulated tumbler. Sapagkat kung iisipin mo ‘yung gastos sa paisa-isang P20 na tubig o P100 na kape kada araw ay napakalaki na ng matitipid mo kapag may dala kang homemade coffee o iced water na nakalagay sa tumbler. Besides, aesthetic din namang tingnan ang mga nauusong tumbler nowadays, that’s why hindi ka magmumukhang nagtitipid n’yan.
3. PUMASOK NANG MAAGA. Applicable ito sa mga nagko-commute, sapagkat may ilan na nagdo-double ride tuwing rush hour dahil pahirapang makasakay sa punuang public transportation. May ilan namang huwag lamang ma-late sa trabaho ay mas pipiliin pa ang mag-book sa TNVS apps, o mag-taxi o habal, na nagiging dahilan para dumagdag sa ‘yong expenses, gayung puwede ka namang makatipid sa pamasahe kung papasok ka lamang nang maaga.
4. ‘WAG MAGPABUDOL SA KATRABAHO. Ito ‘yung magkakayayaan kayong umorder ng pagkain o magpa-deliver ng anumang items via online. Siyempre, ayaw mo naman maging outcast, kaya kapag um-order ang majority ng iyong katrabaho ay napapa-order ka na rin. Pero beshie, jusko, lumayo ka sa tukso! Learn to say “no”, lalo na kapag tight ang iyong budget.
5. ‘WAG MAGPADALA SA KANTYAW. Kapag sinabihan kang, “Libre naman d’yan, worksarry mo, eh!” Run, beshie! Sabihin man nilang kuripot ka, but not all the time ay kailangan mong magpadala sa mga sulsol, dahil hindi ‘yun makakatulong sa iyong savings. In fact, lalo ka lamang malulubog sa unplanned expenses. Please lang, iwasan mong magpakagalante, lalo na’t hindi mo naman afford i-maintain ang ganyang lifestyle.
Let’s say, gasino lang naman na i-treat ang sarili paminsan-minsan after a long hard week. “Deserve ko ‘to,” ‘ika nga, pero dapat mong isipin na kailangan mo ring matutong maghigpit ng sinturon, sapagkat hindi araw-araw ay Pasko. Huwag kang puro gastos now, pulubi later.
Mainam na itabi mo na lang sa bangko ang iyong extra money dahil paniguradong magagamit mo ‘yan in case of emergency. Sabi nga nila, “Kapag may isinuksok, may madudukot.”
Huwag ka lang basta umasa sa PhilHealth, PCSO, Malasakit Center, DSWD, at iba pang tulong mula sa gobyerno, sapagkat napakahabang pila at napakaraming proseso pa ang kailangan mong pagdaanan bago mo makamit ang hinihinging assistance. Matuto kang tumayo sa sarili mong mga paa. Magsumikap at mag-ipon ka upang hindi palaging nakaasa sa gobyerno.
Gets mo?!
Comments