ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Feb. 28, 2025

Sa ating modernong panahon na kinawiwilihan ang mga viral video, isa sa napakarami na ang nakakita sa buong mundo ay naipaskil sa YouTube noon pang 2015. Ang masusulyap sa video, na nai-record sa Costa Rica at napanood na ng mahigit 110 milyong beses, ay ang maingat at dahan-dahang paghugot ng isang mala-tubong bagay na nakabara sa kaliwang butas-ilong ng isang marilag na sea turtle. Matapos ang may halos walong masakit na minuto ay nabunot sa wakas ang nakasuksok na bagay: isa palang gamit na plastik na straw.
Naalala natin ito dahil ang darating na huling Biyernes ng Pebrero ay ang taunang Skip the Straw Day. Bagama’t sa Amerika naitatag at ginugunita ito, mainam na maisadiwa ang layunin ng espesyal na araw na ito, sa gitna ng patuloy na panandaliang paggamit ng ‘di mabibilang na mga plastic straw sa ating bansa at saan pa man, at ang napakagabundok at wala pa ring patid na suliranin ng ‘di nabubulok na mga basura.
Mahaba na ang kasaysayan ng straw mula sa sinaunang mga bersyon nito matapos madiskubre ng sangkatauhan ang paraang makasipsip ng inumin, hanggang sa lalong pamamayagpag ng modernong straw matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig dala ng pagiging napakamura ng mga materyales na plastik. Pumutok ang paggamit ng straw dahil sa kaginhawahang dulot nito sa pagnamnam lalo na ng malalamig na inumin. Ngunit ang ginhawang iyan ay may kapalit na kasaklapan.
Isang beses lang, at ilang minuto lamang, ginagamit ang plastik na straw bago ito idispatya. Ang resulta? Ilang daang milyong mga straw ang kabilang sa milya-milyang dami at kapal ng basura sa daigdig. Ang malala pa nito ay ilang daang taon — mas mahaba pa sa buhay ng isang tao — bago mabulok nang lubusan ang bawat plastik na straw. Ang pagkabulok pa na iyon ay sa pamamagitan ng unti-unti’t napakatagal na pagkadurog at pagiging maliliit na piraso o microplastics na makapagpapasama sa kalikasan at posibleng mahalo sa tubig nating iniinom o sa hangin na ating nalalanghap.
Sa gitna ng mahabang buhay ng straw, at dala ng masalimuot na sistemang pang-waste management at ng walang pakundangang pagtapon dito, tapon doon, ay maaaring mapadpad ang plastik na straw sa mga tabing-dagat o mismong karagatan at makalason o makapinsala sa mga ibon at mga hayop sa dagat.
May bonus pang perhuwisyo sa paggamit ng plastik na straw dahil kadalasan ay nakabalot ito sa sariling plastik na supot, na itatapon din lang pagkapunit. Dobleng plastik na bangungot!Maaaring masambit na, ako lang naman ito na gumagamit ng plastik na straw. Ang hirap nga lang sa kaisipang iyan ay kung kakalkulahin na ilang milyon o bilyon pa ngang mga tao ang gumagamit ng plastic straw, at baka mahigit isang beses pa sa bawat araw. Ang nakakatakot pa nito ay kung maging tama ang hinala ng mga siyentipiko na pagkagat ng 2050, o baka nga bago pa sumapit ang taong iyon, ay mas marami na ang basurang plastik sa karagatan kaysa sa mga isda, pawikan at iba pang lumalangoy na nilalang.Kung kaya’t nananawagan tayo sa lahat ng mamamayan, sa anumang antas ng lipunan, na iwaksi ang kaugaliang mag-straw sa pag-inom.
Maging ang papel na straw, na madaling mabubulok kumpara sa plastik, ay magandang iwasan na rin, para makabawas sa basurang mabibinbin nang matagal sa kung saan.
Pakiusap din sa mga kumpanya, tindahan, restoran at iba pa: Huwag gawing awtomatiko ang pagbigay ng straw sa pag-alay o pagbenta ng inumin. Hangga’t maaari pa nga ay huwag na talagang magtabi ng straw at imbes ay iengganyo ang mga parokyano na uminom nang diretso mula sa baso.
Siyempre, may mga eksepsyon sa panawagang ito. Ang matatanda o mga may kapansanan na hindi kayang humigop nang walang tulong ay dapat lang na mag-straw. Subalit, may paraan pa rin sa puntong iyan upang hindi gumamit ng plastik at imbes ay piliing gumamit ng straw na reusable o maaaring mahugasan at gamitin ng ilang ulit, gaya ng ginagawa ng maraming maalalahaning kabataan ngayon. Pati sana ang mga inuming nabibili sa mga suking sari-sari store ay huwag nang ibenta na may straw, o kung sakaling may kalawang dahil sa tansan ang palibot ng bibig ng botelya ay mailipat na lang sana ang lalagukin sa isang baso.
Kung marami ang makikinig at makapagpapatotoo ng adhikaing itigil ang paggamit ng plastik na straw, malaki at napakagandang pagbabago ang maaari pa nating masaksihan sa ating patuloy na pamumuhay.
Ang anumang abala o karampot na pagtitiis sa pag-iwas sa pag-i-straw ay may malaking tulong sa pagpapaginhawa ng planeta at buhay ng susunod pang mga henerasyon.
Kung sakaling isinasakatuparan na ang adbokasiyang ito ngunit tila walang karamay sa pamilya, sa barkada o sa barangay, padayon lang. Magpatuloy habang makakaya. Gaya ng walang pagsukong pagbunot ng nakabaong straw sa nabanggit na pagong sa ating pambukas na talata rito, asintaduhing magtiyaga’t magpakatatag sa pagtulong na makapagbigay-lunas at makaambag sa solusyon sa problema ng malawakang kaplastikan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments