top of page

Iwas-sakit, iwas-perhuwisyo: Galaw-galaw, baka pumanaw!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 22 hours ago
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Apr. 4, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

“Malusog” na buwan ang Abril dala ng maraming espesyal na araw na nakapaloob dito na kahit magkakaiba ang layunin, nagkakatugma ukol sa pagpapalungtad ng sangkatauhan. 


Sa darating na Lunes, halimbawa, ang Pandaigdigang Araw ng Kalusugan o World Health Day. Sinimulan iyon ng Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan o World Health Organization bilang paggunita sa pagkakatatag ng naturang samahan at para mapagtuunan ng atensyon ang isang paksang may kinalaman sa kalusugan ng nakararami. (Ang pangangatawan ng kababaihang buntis at bagong silang na mga sanggol ang napiling tema para sa taong 2025 hanggang sa susunod na ika-7 ng Abril.)


Sa Estados Unidos, itong Biyernes at Sabado, ika-4 at 5 ng Abril, ay Walk to Work Day at National Self-care Day, na patungkol sa pagdagdag ng mga hakbang at pag-aalaga sa sarili patungo sa pagpapaigi ng pangangatawan. Ang buong Abril pa nga sa kanila ay Move More Month, na itinaguyod ng American Heart Association noong 2018 upang maengganyo ang mga mamamayan na lalo pang gumalaw-galaw upang mapalayo sa karamdaman.


Alin man ang ating lahi o itinatanaw na inang bayan, ‘di maikakaila na makatutulong sa atin ang pagkilos nang madalas. 


Sa puntong pisikal pa lang ay umaapaw ang benepisyo ng pagiging malikot sa halip na maging palaupo, na malawakan nang inihahambing sa paninigarilyo dahil sa dulot na peligro. Nariyan ang pagpigil sa pamamaga ng iba’t ibang panloob na bahagi ng ating katawan. Makatutulong na tayo’y mapalayo sa sakit sa puso, diabetes, dementia, pagkalabis ng timbang at kanser. Mababawasan din ang pagkakaroon ng ugat na bukul-bukol o varicose veins.


Sa punto ng ating isip at diwa, ang mas madalas na pagkilos ay nakababawas ng pagkabagabag at nakapapaaliwalas ng katauhan, nakapagpapalakas ng kumpiyansa sa sarili, nakapagpapaibsan ng labis na pag-aalala’t pagkabahala, nakapagpapataob ng kalungkutan, at nakapagpapabuti ng pangkalahatang kalusugan ng kaisipan.


Nakapapasaya ang pag-eehersisyo at nakakapagpapukaw pa ng pag-iisip nang higit sa kung nakaupo lang nang matagal habang pinipiga ang ating isipan.


Nagsisilbing preno rin ito sa kaguluhan ng buhay at nakapagtatanggal ng pagkamuhi na maaaring mauwi sa pananakit o pamiminsala ng sarili o ng kapwa, kadugo man o estranghero. Kung may mga kasabayan pa sa pagpapalakas ay madaragdan ang magiging kaibigan at kasangga sa pamumuhay.


Hindi lamang pawis ang inilalabas ng pagbabanat ng buto. Nakapagpapabasyo rin ito ng ating kaba’t pagkabahala upang patuloy nating maharap ang bawat bukas nang may taglay na pag-asa sa halip na may pasang pag-aalala. Nakapagpapabukas pa ito ng ating kaisipan upang lumitaw at dumaloy ang mga sapantaha, kuru-kuro’t palagay na maaaring makatulong sa ating kaginhawahan at kasiyahan sa tahanan o trabaho. 


Nakapagdadala ang pag-eehersisyo ng oksiheno at dugo sa ating utak, na nagpapaalis ng negatibong mga bagay gaya ng galit, lungkot at pagkabalisa. Karagdagang resulta ang pagiging mas pasensiyoso sa halip na mainitin ang ulo at masayahin imbes na bugnutin. Makaiiwas pa sa mga dagdag-gastusin gaya ng mahal na mga gamot at pagpapaospital.


Hindi rin kailangang gumastos para sa mamahaling kagamitan o maging miyembro ng gym upang makapagpalakas. Maraming mapapanood online na nagpapakita ng sari-saring kaparaanan sa pagpapatibay ng katawan na magagawa gamit lamang ang mga bagay sa ating poder, gaya ng silya, pader at hagdan.


Tumayo at kumilos kada kalahating oras. Kumuha ng tubig sa kusina at uminom. Lumabas, maglakad-lakad, tingalain ang kalangitan, huminga ng malalim nang may bulong ng pasasalamat sa Maykapal. Mag-inat-inat, tumalon-talon, abutin ang mga daliri ng sariling mga paa. Tumakbo-takbo. 


Mag-ingat na hindi maging palaupo nang matagal kahit panay ang pagsasanay ng katawan. Delikado pa rin para sa ating puso at pangangatawan ang matagal at walang patid na paggamit ng salumpuwit kahit pa madalas at masigasig tayo sa pagpapalakas. 

Siyempre, pumapak nang wasto at nakapagpapalusog na mga pagkain, uminom ng sapat na tubig, matulog nang malalim at sapat. Gaya ng kotse na hindi makauusad kung walang gasolina, hindi tayo makapagpapatuloy sa pakikipagsapalaran kung walang magiging suloy ng sigla.


Ang kagandahan pa ng lahat ng ito ay nasa ating mga kamay, kaisipan at kalakasan ng loob ang pagkilos. Tayo ang tanging makapagdedesisyon. Isaisip din na mas masarap umasa sa sarili sa katandaan imbes na sa medisina, tungkod, saklay o tagapag-alaga na mas makakagawa pa ng ibang kabutihan sa halip na sumubaybay ng tao na naiwasan sana ang pagkabaldado.


Huwag magpaalipin sa depresyon, huwag magpagapi sa pagpapatumpik-tumpik, huwag magpalugmok sa kagulumihanan. Piliin ang ikagaganda, ikagiginhawa’t ikabubuti ng sarili, upang lalo pang makatulong sa iyo mismo, sa iba at sa mundong kinasasaklawan.


Simulan na ang pagtayo’t paggalaw-galaw, at huwag ipagpabukas.


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page